MAHIGPIT na ipatutupad ang citywide curfew hours sa Maynila para sa kaligtasan ng mga menor edad, alinsunod sa kautusan at Executive Order number 2 na nilagdaan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Sa nasabing kautusan, simula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga ay dapat nasa loob na ng bahay ang mga menor de edad o kabataang nasa edad 17 pababa.
Dahil dito, inatasan ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) Chief Jay Reyes Dela Fuente ang lahat ng district offices na magbukas ng 24/7 bilang tanggapan para sa intake at processing ng mga batang mahuhuling lalabag sa kautusan.
Sa oras na mahuli, dadalhin agad ang menor de edad sa nasasakupang MDSW office kung saan ipatatawag ang kanilang magulang upang ipaliwanag ang batas at ang kanilang pananagutan bilang tagapangalaga.
Sinabi rin ni Dela Fuente, ililista nila ang pangalan ng mga bata na kanilang mahuhuli o ang tinatawag na synchronized data banking kung saan irerehistro ang impormasyon ng bata.
Paliwanag ng opisyal, ito ay upang malaman kung ilang beses na silang lumabag.
“Halimbawa, lumabag pala siya sa district 1–may rekord kami. Tapos at the same time may pagkakataong lumabag pala siya sa district 3, meron kaming rekord na iisang bata lang ‘yun. Ngayon kung meron siyang tatlong paglabag, dadalhin po namin siya sa Manila Boystown,” pahayag ng opisyal.
(JOCELYN DOMENDEN)
