KINALAMPAG ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Transportation na maglagay ng dedicated ticket booths o lanes para sa mga estudyante na nakahiwalay din sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at regular passengers sa mga MRT at LRT stations.
Bukod dito, hinimok din ni Tulfo ang DOTr na bumalangkas ng mas epektibong student verification process upang matanggal na ang manual na pagpi-fill up sa mga form at gamitin na ang mga digital alternatives upang mapaikli ang validation.
Sinegundahan din ng senador ang panawagan ng mga estudyante na gawin ding available sa mga beep cards ang diskwento.
Binigyang-diin ni Tulfo ang kahalagahan ng beep card provider upang paramihin ang produksyon at distribusyon at tiyaking available ito sa mga convenience stores at iba pang commercial outlets sa buong bansa.
Una rito, sangkaterbang reklamo ang natanggap ng senador mula sa mga estudyante sa kabagalan at inefficiency ng validation process para sa mga estudyanteng mag-aavail ng diskwento sa pamasahe.
Ilang estudyante ang nagrereklamo na kinakailangan pa nilang magpakita ng printed enrollment record sa ticket counter kung hindi nakalagay sa kanilang ID ang kanilang school year.
Bukod dito, pinapi-fill up din ang mga estudyante sa isang form na ilalagay ang kanilang pangalan, paaralan, ID number, pirma at destinasyon na nakadaragdag pa sa haba ng pila.
(DANG SAMSON-GARCIA)
