KINASUHAN ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang ang lumutang na testigong si Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy” matapos siyang idawit sa pagpatay sa mga nawawalang sabungero. (DANNY BACOLOD)
NANINIWALA ang Philippine National Police -Internal Affair Service at maging ang National Police Commission (NAPOLCOM), na magpapalakas sa ginagawang case build up ang paglutang ni Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy”, ang tinaguriang whistle blower sa kaso ng 34 na nawawalang sabungero.
Una rito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang law enforcers na ituloy-tuloy ang imbestigasyon hanggang matumbok ang tunay na katotohanan hinggil sa nawawalang mga sabungero na sinasabing itinapon sa Taal Lake.
Inihayag ni PNP-Internal Affairs Service Inspector General Atty. Brigido Dulay, inaasahan ng kanilang tanggapan na sa paglantad ni Totoy, tuloy-tuloy nang uusad ang kanilang case build-up at makakalap pa ng sapat na mga impormasyon.
Magugunitang sa paglutang ni alyas “Totoy” na isiniwalat ang nasa 20 aktibong pulis bilang sangkot sa kaso ng nawawalang mga sabungero, kaya nagkasa ng motu proprio investigation ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa pangunguna ni NAPOLCOM Commissioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan.
Sa naging paglutang ni Totoy, inaasahan ngayon ng PNP-IAS na makausad at makapagtuturo pa ito ng iba pang linkages sa kaso na wala sa nakaraang mga imbestigasyon.
Kasalukuyang inaantabayanan na ng PNP-IAS at maging ng NAPOLCOM, ang isusumiteng pormal na sinumpaang salaysay ng tumatayong whistleblower na kabilang din sa anim na akusado sa pagdukot sa sabong aficionados.
Nakatutok din ang PNP-IAS sa magiging takbo at direksyon na tatahakin ng NAPOLCOM sa imbestigasyon upang matiyak na magiging patas at magiging maayos ang paggulong ng imbestigasyon sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Idinawit na rin ni alyas “Totoy” si Atong Ang, ang actress na si Gretchen Barretto, ilang pulis at dating local official sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
Subalit tahasang itong ikinaila ito ni Atong Ang, iginiit na wala siyang kinalaman sa nasabing kaso, maging ang mga kasama niya.
Dahilan para sampahan niya ng kasong kriminal sa Mandaluyong City Prosecutors Office si Totoy na umano’y humihingi sa kanya ng P300 million para lamang bawiin ang kanyang pahayag.
“Ang puno’t dulo talaga nito pera. Lahat ng grupo namin tinatawagan nila isa-isa, nag-e-extort eh. Akala ata n’ya pagkatapos n’yang magsalita ng kung ano-anong kalokohan, pwede na lang siyang biglang aalis kapag nakuha n’ya ‘yung pera,” ani Ang sa panayam ng media matapos na maghain ng reklamo sa Mandaluyong City Hall of Justice.
“Kaya ako nandito, nag-file kami ng kaso sa taong ina-accuse kami, ako, at mga kasama ko ng kung ano-ano,”
“[Kami ay] mga disenteng tao, lahat ng ina-accuse niya rito matitino, walang kriminal dito. Masyado na kaming kawawa, kailangan na akong lumabas,” dagdag pa ni Ang.
“Wala kaming kinalaman lahat dyan. Lahat ng grupo namin, mga disenteng tao ‘yan. Ang hilig lang namin sabong lang. Hindi namin alam, ano talaga nangyari dyan.”
Itinuturing ding mahalaga ang mga bagong impormasyon na ito para matukoy ang iba pang mga sangkot at nang magkaroon ng sustansya ang ongoing na case build-up sa kaso ng nawawalang mga sabungero.
(JESSE KABEL RUIZ)
310 