KASABAY sa pagdiriwang ng ika-34 anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), inihayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang planong pagsamahin ang BJMP at Bureau of Corrections (BuCor) upang mapagaan ang pagsisikip sa mga kulungan, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ito’y panukala pa lamang at dadaan sa konsultasyon. Dapat alam ninyo ang ginagawa at bahagi kayo ng integrasyon,” ani Remulla sa ika-34 anibersaryo ng BJMP sa Quezon City.
Ibinida rin niya ang pagbaba ng jail congestion mula 314% noong 2024 sa 296% ngayong taon, at ang mga programa para sa repormasyon ng mga PDL, gaya ng pagbibigay ng legal aid sa 85,000 PDLs, paglilinis ng 307 pasilidad laban sa droga, at edukasyon.
Higit 10,700 PDLs ang nagtapos ng basic education, 107 ang nakatapos ng kolehiyo, at 66,000 ang sumali sa mga kabuhayan na kumita ng P116.7 milyon.
Tiniyak ni Remulla ang patuloy na suporta ng DILG sa misyon ng BJMP na protektahan at bigyang pag-asa ang mga nasa kulungan lalo na sa oras ng kanilang paglaya.
“Ang trabaho ng BJMP is to keep the country safer, to rehabilitate, and to ensure PDLs can return as contributing members of society. What you do matters,” pahayag pa ng kalihim.
(JESSE RUIZ)
