PINALAGAN ni dating Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang plano umano ng United States na gumawa at mag-imbak ng mga bala sa Subic Bay sa Zambales dahil lalong malalagay sa panganib ang Pilipinas sa mga kaaway ng Amerika.
Bagama’t pinaplano pa lamang ito ay sinuportahan na umano ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr., dahil malaki ang maitutulong nito sa bansa.
Subalit ayon kay Brosas, bukod sa malalagay sa panganib ang seguridad ng Pilipinas ay pagtalikod ito ng Marcos administration sa makasaysayang desisyon ng Senado noong 1991 nang patalsikin ng mga senador ang Base Militar ng Amerika sa bansa.
“This is a gross betrayal of our history and hard-fought sovereignty. Binalik na nga ang mga base-militar sa ibang porma sa ilalim ng EDCA, ngayon ginagawa na namang imbakan ng bala ang Subic,” ani Brosas.
Hindi matanggap ng mambabatas ang katwiran ng gobyerno na malaki ang maitutulong ng ammunition production and facilities na itatayo ng Amerika sa ekonomiya ng bansa.
Pinalalabas kasi aniya na magkakaroon ng karagdagang trabaho ang mga Pilipino kapag naitayo ito na imposibleng mangyari dahil ganito rin ang argumento ng gobyerno nang payagan na magtayo ng base militar ang Amerika sa pamamagitan ng EDCA.
(BERNARD TAGUINOD)
188 