NAGWAKAS ang career ng isang court sheriff makaraang tumanggap ng pera sa isang kaso ng ilegal na droga.
Base sa inilabas na ‘per curiam’ decision ng Supreme Court En Banc, dismissed na mula sa serbisyo si Dwight Aldwin S. Geronimo, Sheriff IV ng Branch 121, Regional Trial Court sa Imus, Cavite.
Maging ang kanyang mga benepisyo sa pagreretiro ay binawi rin kasabay ng pag-ban sa kanya na makakuha pa ng anomang trabaho sa gobyerno.
Base sa Korte Suprema, nag-ugat ito matapos mangikil o humingi si Geronimo kay Antolyn Dones Gonzales ng P200,000 para mapabilis ang pag-dismiss sa kinahaharap na ‘drug case’ ng kanyang kaibigan.
Ayon daw kasi kay Geronimo, kumpiyansa itong maisasakatuparan ang pagdismis sa kaso sapagkat tiyahin naman daw niya ang judge na humahawak dito.
Pangako pa raw ng naturang court sheriff na magagarantiya rin na mapagbibigyan ito na makapagpiyansa ukol sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Bunsod nito, binigyan ni Gonzales ng paunang bayad si Geronimo ng P115,000 habang ang mga natitira naman ay planong mabayaran pagkatapos maayos ang kaso.
Ilang beses pa raw nag-usap ang dalawa sa online kasabay ng pauli-ulit na pangakong matutupad ang kasunduan ngunit nang ma-deny ang bail ng kanyang kaibigan, bigla na lamang daw nawala si Geronimo.
Samantala, depensa naman ng na-dismissed na sheriff, ang perang ibinigay ay kanyang personal na utang at nagkukunwari lamang daw na sumasama kay Gonzales para isiwalat ang umano’y korupsyon sa korte.
Ang Judicial Integrity Board ay hinatulang ‘guilty’ si Geronimo sa nadiskubreng ‘gross misconduct’ kasabay ng rekomendasyon ng dismissal.
Ito naman ay kinatigan at pinaboran ng Kataas-taasang Hukuman kaya’t ang naturang court sheriff ay tuluyang natanggal sa serbisyo.
Dito ay binigyang-diin ng Korte Suprema na ang mga empleyado ng anomang korte sa bansa ay hindi maaaring tumanggap ng pera mula sa mga partido kaugnay sa kaso.
(JULIET PACOT)
