KINUMPIRMA ng National Task Force for the West Philippine Sea na mayroong namataang movable floating platform sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc.
Sa press conference, sinabi ni WPS Rear Admiral Jay Tarriela, natukoy ang istruktura na isang data gathering object para sa marine science research dahil sa mga presensya ng Chinese vessels.
Ayon kay Tarriela, bukod sa floating platform ay may mga boya rin at antenna na pawang hindi pa malinaw kung para saan.
Sinabi naman ni National Maritime Council spokesperson, Usec Alexander Lopez, ilegal ang anomang ginagawa ng China sa Bajo de Masinloc dahil ito ay nasa layo lamang na 119 nautical miles mula sa Palauig, Zambales at sakop ito ng exclusive economic zone ng bansa. Sa ngayon, patuloy aniya ang monitoring sa nasabing lugar.
Habang nagpahayag naman si DFA Deputy Asec Rogelio Villanueva Jr. ng pag-aalala sa nasabing istruktura. Ayon kay Villanueva, ang presensya ng istruktura ay malinaw na paglabag sa soberenya ng Pilipinas kaya naman nagsasagawa sila ng angkop na diplomatikong aksyon at diplomatikong protesta laban sa Republic of China.
Sa panig naman ng Armed Forces of the Philippines for WPS, sinabi ni RADM spokesperson Roy Vincent T. Trinidad PN, para sa inter-agency ng gobyerno ay patuloy silang nakikipag-ugnayan sa kanilang allies upang maisakatuparan ang kanilang mandato.
Samantala, sinabi rin ni Tarriela na nakaranas din ng pangha-harass ang sasakyang panghimpapawid ng BFAR at PCG na nagsasagawa ng maritime domain awareness flight.
(JOCELYN DOMENDEN)
97 