MARIING itinanggi ng isang dating mataas na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Army reservist ang lahat ng alegasyong ibinabato laban sa kanya kaugnay ng umano’y estafa, panloloko at iba pang iregularidad na lumabas sa ilang ulat ng media.
Nag-ugat ang mga reklamo mula sa ilang indibidwal na nagsabing nagbigay sila ng pera para sa iba’t ibang humanitarian projects, outreach programs, livelihood initiatives at development activities na umano’y hindi natuloy o hindi nagkaroon ng inaasahang resulta.
Sa mga panayam sa media, inakusahan ang dating opisyal na ginamit umano ang kanyang dating posisyon sa gobyerno, mga koneksyon at pagiging Army reservist upang makahikayat ng mga taong magbibigay ng pondo para sa kanyang mga proyekto.
May ilan ding nag-akusa na nagkaroon umano ng mga transaksyong may kaugnayan sa isang proyekto para sa mga katutubo sa Rizal, habang ang iba naman ay nagsabing naglabas sila ng pera para sa mga programang pangkawanggawa na hindi umano naisakatuparan.
Gayunman, mariing pinabulaanan ng dating DENR official ang lahat ng paratang at iginiit na walang katotohanan ang mga ibinibintang laban sa kanya.
Ayon sa kanyang panig, wala pa siyang natatanggap na opisyal na kopya ng mga reklamong sinasabing isinampa laban sa kanya kaya hindi pa niya maaaring isa-isang sagutin ang mga alegasyon.
Aniya, mahalagang mabigyan siya ng pagkakataong makita at mapag-aralan ang mga reklamo upang maihain ang kanyang pormal na tugon sa tamang forum sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.
Iginiit din niya na handa siyang makipagtulungan sa anomang imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at naniniwalang malilinis ang kanyang pangalan kapag nailatag na ang lahat ng ebidensya at katotohanan.
Ayon pa sa kanyang kampo, pawang mga alegasyon lamang ang mga paratang at hindi pa napatutunayan sa anomang hukuman o quasi-judicial body.
Dahil dito, pinag-aaralan na umano ng kanyang legal team ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at sibil laban sa mga indibidwal na umano’y nagpapakalat ng maling impormasyon at nakasisirang pahayag laban sa kanya.
Posible rin umanong magsampa ng mga reklamong may kaugnayan sa libelo, cyber libel at iba pang paglabag sa batas laban sa sinomang mapatutunayang nagpakalat ng mapanirang akusasyon nang walang sapat na batayan.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Army na may reklamong inihain kaugnay ng umano’y paggamit ng military uniform at iba pang kaugnay na isyu.
Ayon sa Army, isinailalim na sa beripikasyon at imbestigasyon ng mga kinauukulang tanggapan ang usapin upang matukoy kung may naganap na paglabag sa umiiral na mga regulasyon.
Iginiit naman ng dating opisyal na walang katotohanan ang alegasyong ginagamit niya ang kanyang military uniform upang magbigay ng maling impresyon sa publiko.
Aniya, lehitimo siyang miyembro ng Army Reserve Force at nagsilbi bilang brigade commander at battalion commander sa iba’t ibang programa at aktibidad.
Dagdag pa niya, bahagi lamang ng kanyang tungkulin bilang reservist ang pagsusuot ng uniporme at pagdalo sa mga opisyal na aktibidad ng militar.
“Paano nila masasabing ginagamit ko ang uniporme para manloko gayong lehitimo naman akong reservist at marami na akong naisagawang programa at serbisyo?” aniya.
Naniniwala rin ang dating opisyal na may mga taong nais lamang umanong sirain ang kanyang reputasyon dahil sa kanyang naging serbisyo publiko at sa mga organisasyong kanyang sinuportahan sa mga nakalipas na taon.
Ayon sa kanya, nakapagtataka umanong ngayon lamang lumabas ang mga akusasyon matapos ang kanyang matagal na pakikilahok sa iba’t ibang humanitarian at civic activities.
Iginiit din niya na siya mismo ay naging biktima ng ilang transaksyon at hindi ang nanloko, dahilan upang lalo niyang kuwestiyunin ang mga paratang laban sa kanya.
Sa kabila nito, wala pang inilalabas na pinal na resulta ng anomang imbestigasyon at wala pa ring desisyon mula sa korte o alinmang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng mga alegasyon.
Dahil dito, nananatiling mga alegasyon pa lamang ang lahat ng akusasyon hanggang hindi ito napatutunayan sa pamamagitan ng due process at sa ilalim ng umiiral na batas ng bansa.
Umaasa naman ang dating opisyal na mabibigyang-linaw ng mga isinasagawang imbestigasyon ang mga isyung ibinabato laban sa kanya upang matukoy kung sino ang may pananagutan at maibalik ang tiwala ng publiko sa proseso ng hustisya.
106 