PUNA ni JOEL O. AMONGO
NGAYONG Huwebes, Hunyo 11, muling nakatuon ang pansin ng sambayanan sa isasagawang pagdinig ng Blue Ribbon SubCommittee na pinamumunuan ni Rodante Marcoleta. Matapos ang mga kontrobersiya, bangayan sa loob ng Senado, at magkakasalungat na posisyon ng iba’t ibang grupo ng mga senador, inaasahang magiging sentro muli ng diskusyon ang usapin ng umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.
Hindi maikakaila na ang isyung ito ay lumampas na sa karaniwang pagdinig ng Senado. Ang naging unang hearing ay nagbunga ng matitinding akusasyon at mga testimonya na nagdulot ng malaking interes mula sa publiko. Dahil dito, marami ang umaasang mas malinaw na mga sagot ang lalabas sa susunod na pagdinig.
Subalit kasabay ng paghahanap ng katotohanan ay ang lumalalim na sigalot sa loob mismo ng Senado. May mga senador at grupo na kumukuwestiyon sa legalidad at awtoridad ng mga nagdaang pagdinig, habang ang kabilang panig naman ay naninindigang may tungkulin silang ituloy ang imbestigasyon para sa kapakanan ng publiko.
Sa pananaw ng maraming mamamayan, hindi na mahalaga kung sino ang nasa majority o minority. Ang mas mahalagang tanong ay kung may sapat bang ebidensiyang magpapatunay sa mga alegasyon at kung may pananagutan bang dapat harapin ang mga sangkot kung mapatutunayang may katiwalian ngang naganap.
Napakalaki ng pondong inilaan ng gobyerno para sa mga flood control project sa nakalipas na mga taon. Dahil dito, makatwiran lamang na suriin kung naging epektibo ba ang paggasta sa pondo ng bayan at kung talagang napunta ito sa mga proyektong makatutulong sa mga komunidad na madalas bahain.
Marami ring sektor ang naghihintay kung may mga bagong testigo o dokumentong ihaharap sa pagdinig. Ang kredibilidad ng anomang imbestigasyon ay nakasalalay hindi sa rami ng paratang kundi sa tibay ng ebidensiyang maipakikita sa publiko.
Mahalaga ring tandaan na ang mga akusasyon ay nananatiling mga alegasyon hangga’t hindi napatutunayan sa wastong proseso. Sa isang demokratikong lipunan, karapatan ng bawat inaakusahan na marinig ang kanilang panig at maipagtanggol ang kanilang sarili laban sa anomang paratang.
Kamakalawa sinabi ni Atty. Levito Baligod, bukod sa 18 dating mga sundalo ay may karagdagan pang lulutang na mga testigo na lalong magpapatibay sa pagkakasangkot ng mga mambabatas at ilang pang mga opisyal na idinadawit sa flood control scam.
Ang grupo ni Atty. Baligod ay nagtungo sa Senado upang linawin ang imbitasyon sa kanila ni Erwin Tulfo, chairman ng Blue Ribbon Committee ng Gatchalian bloc, batay sa hearing subalit kalaunan ay tinawag nilang consultative meeting lamang.
Ipinaliwanag ni Atty. Baligod na kaya hindi sila dumalo sa patawag ni Tulfo dahil ayon sa kanyang binasang patakaran ng Senado, dapat ang imbitasyon ay pirmado ng Blue Ribbon Committee chairperson na si Sen. Pia Cayetano at ni Senate President Alan Peter Cayetano subalit ang kanilang natanggap na paanyaya ay parehas walang lagda ng dalawang senador.
Sinabi pa ni Atty. Baligod, aminado naman si Erwin Tulfo na ang kanilang Senate President ay si Alan Peter Cayetano dahil hindi pa ito napapalitan ni Gatchalian sa pamamagitan ng 13 senators vote.
Nakatikim naman ng batikos mula sa netizens ang tinawag na consultative meeting ng kampo ni Erwin Tulfo dahil wala silang ginawa kundi sirain ang kredibilidad ng 18 dating mga sundalo, imbes na tingnan ng mga ito ang nilalaman ng kanilang testimonya.
Mistulang nag-broadcast naman si Raffy Tulfo sa nabanggit na consultative meeting dahil sa haba ng sinabi nito na tinawag pang mga kargador ang 18 dating mga sundalo.
May nagsabi rin na ang isinagawang miting ay para lang depensahan si Erwin Tulfo matapos banggitin ng 18 dating mga sundalo na hinatiran siya ng 8 maleta at idinawit din siya sa human trafficking.
Marami namang abogado ang nagsabing ang ginagawang miting ni Tulfo na may kinalaman sa flood control scandal ay isang conflict of interest dahil siya mismo ay isinasangkot sa kontrobersiya pero siya pa rin ang mag-iimbestiga bilang Blue Ribbon Committee chairman ng Gatchalian bloc.
Ang kampo ni Gatchalian ay umaani ngayon ng samut-saring batikos matapos silang mag-elect ng kanilang mga opisyales sa pamamagitan ng 12 senators lamang na tinawag nilang majority mula sa 24 senators na lehitimong inihalal ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni Atty. Rowena Guanzon, marahil kaya hindi nag-elect ang kampo ni Gatchalian ng Senate President ay dahil naniniwala sila na si Senator Alan Peter Cayetano pa rin ang lehitimong pinuno ng Senado.
Si Sen. Win Gatchalian ay tinatawag nilang Acting Senate President at Pro-tempore na kinukuwestiyon din ngayon ng ilang abogado dahil wala naman umanong nakalagay sa batas na nagsasabing pwedeng magkaroon ng acting Senate President ang Senado.
Ganoon pa man, antabayanan natin ang isasagawang pagdinig ngayong araw na pamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta, kung may panibagong pasabog na ilalantad ang iba pang resource persons na inimbitahan para sa Blue Ribbon SubCommittee hearing ngayon.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
107 