IGINIIT ni Senate President Alan Peter Cayetano na nananatiling prayoridad niya ang kapakanan ng mga empleyado ng Senado sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng kapulungan.
Ayon kay Cayetano, nais niyang matiyak na hindi maaapektuhan ang suweldo at trabaho ng mga kawani habang hindi pa nareresolba ang alitan.
“Ayaw namin maipit ang mga empleyado. Sa dami ng problema ng ating bansa, I really want to avoid that we have to write to Landbank, na maipit ang sweldo ng mga tao,” pahayag ni Cayetano sa press briefing noong Hunyo 8.
Sinabi ng Senate President na nakahanda siyang gumawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga empleyado basta’t hindi lalabag sa batas at Konstitusyon.
Ibinunyag din niya na nagpadala ng liham ang Senate Secretary kay Atty. Renato Bantug, na kinikilalang Senate Secretary ng kampo ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, upang maiwasan ang pagkaantala ng operasyon ng Senado.
Sa panukala, kapwa lalagdaan ng magkabilang panig ang mga dokumentong kailangang aprubahan upang maiwasan ang anomang legal na usapin habang hindi pa naaayos ang sigalot.
Gayunman, sinabi ni Cayetano na hindi ito tinanggap ng kabilang kampo.
Muli rin niyang iginiit na hindi lehitimo ang grupo ni Gatchalian dahil wala umanong 13 boto na kinakailangan upang ideklarang bakante ang posisyon ng Senate President at iba pang pangunahing opisyal ng Senado.
Nagpahayag din si Cayetano ng pag-aalala sa mga empleyadong nadadamay sa kaguluhan, lalo na sa mga banta ng pagsasampa ng kaso laban sa kanila.
Matapos ang press conference, nakipagpulong si Cayetano sa mga opisyal ng Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.) upang talakayin ang mga hakbang para maprotektahan ang rank-and-file employees ng Senado.
117 