ITINAKDA ng Commission on Elections (Comelec) sa Agosto 29, 2026 ang special elections sa lone legislative district ng Dasmariñas, Cavite upang punan ang pwestong binakante ni dating Rep. Kiko Barzaga.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang espesyal na halalan ay isinagawa alinsunod sa itinakdang panahon na hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalampas sa 90 araw matapos mabakante ang posisyon.
Matatandaang pinatalsik ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Barzaga noong Hunyo 2 dahil sa umano’y “disruptive” at “disorderly behavior.”
Sinabi ni Garcia na magkakaroon ng koordinasyon ang Comelec sa mga security forces, lokal na opisyal ng Dasmariñas at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng halalan.
Aminado rin ang Comelec chief na hamon ang pagpopondo sa special elections kaya sumulat na siya kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang humiling ng karagdagang pondo mula sa contingency fund.
Ayon kay Garcia, kinakailangan ang dagdag na pondo dahil mahigit 437,000 rehistradong botante ang nasa distrito na mangangailangan ng karagdagang election materials at honoraria para sa mga guro na magsisilbing electoral board members.
Gayunman, iginiit niya na hindi maaaring maging dahilan ang kakulangan ng pondo upang hindi maisagawa ang halalan, lalo’t may direktiba ang Korte Suprema na tiyaking matutuloy ang special elections.
(JOCELYN DOMENDEN)
85 