“HEALTH IS WEALTH”

 KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MAHIRAP ngayon ang magkasakit o magkaroon ng anumang karamdaman. Malaking gastos. Kailangan ang kuwartang pambayad sa doctor na magsusuri, iba’t ibang eksaminasyon na ipapagawa (hindi katulad noon na tingin lang ng doktor na may stethoscope at thermometer, alam na agad ang sakit), at pambili sa botika ng ireresetang gamot na bakit ang tataas naman ng presyo. Yes, may generic. Pero parang walang tiwala ang marami sa bisa nito.

Nawala na ang gamot-albularyo na patapal-tapal lang ng mga dahong ligaw mula sa bukid, hilot ng langis o Vicks at bubugahan pa ng usok na may insenso na may kasama pang pabulong na dasal.

O kaya naman ay manghihingi sa kapit-bahay o iiskor sa katabing tindahan ng Cortal, Medicol, Biogesic at iba pang popular na gamot na ang paniwala noon ay kaya nang gamutin ang lahat ng uri ng karamdaman. Sasabayan pa ng inom ng orange soft drink at ngata ng krakers.

Bakit parang wala na yatang nang gumagawa nito ngayon?

Dahil sa modernisasyon, pati na rin ang mga sinaunang pamamaraan ng panggagamot, na mabisa at epektibo rin naman, ay isinasantabi na rin. Bagama’t hindi ko naman tinatawaran ang ang kahalagahan at husay ng modernong medisina ngayon pati na rin ang kakayahan ng mga kasalukuyang health workers sa ating bansa.

##########

Mapalad kaming mga taga-lalawigan ng Quezon. Ang aming gobernadora, si Governor Angelina “Doktora Helen” Tan, ay isang doktora sa medisina. Pangunahin sa kanyang prayoridad ang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan sa apat na sulok ng lalawigan.

Siya mismo ang personal na namumuno sa grupo ng mga medical workers sa “Kalinga sa Mamamayan, Libreng Gamutan” medical mission sa iba’t ibang panig ng probinsya kahit Sabado at Linggo. Pagkatapos ng konsultasyon at iba pang pagsusuring medikal ay nagbibigay rin ng libreng gamot at salamin sa mata sa mga malabo na ang paningin.

Maging ang anak ni Doktora Helen na si “Doc Kim” na isang medical surgeon at nahalal na provincial board member nitong nakaraang eleksyon ay lumalahok na rin sa mga medical mission kahit noong hindi pa siya lingkod bayan. At kung kinakailangang operahan ang may sakit at kaya naman itong gawin sa pinagdadausan ng gamutan, agad niya itong inooperahan upang hindi na ito dalhin sa ospital.

Sa pagtutulungan ng mga doktor, espesyalista, nurse, sundalo at mga kawani ng mamahalaang panlalawigan, nakapaghahatid ang medical mission ng libreng medical consultation, pagbubunot ng ngipin, minor surgery, pagtutuli, bukol screening, optical service, OB ultrasound, ECG, X-Ray, at iba pang klase ng mga medical laboratory examinations.

Kasabay ng mga medical mission ay mas lalo pang pinauunlad ni Doktora Helen ang kakakayahan at kapabilidad ng 15 provincial hospitals na nasa apat ng sulok ng lalawigan. Masugid na ipinatutupad sa mga ospital na ito ang “No Balance Billing” at “No Out-Of Pocket Policy” batay sa direktiba na rin ng gobernadora.

Napakalaking tulong ang lahat ng ito sa mamamayan. Kaya naman ang mga lokal na pamahalaan sa bawat bayan ay naging prinsipal na proyekto at programa na rin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga residente sa kani-kanilang lokalidad. Nagsilbing isang modelo sa kanila ang ina ng lalawigan.

##########

Bakit ko pinaksa ang tungkol sa kalusugan at karamdaman? Damatan na kasi ang kolumnistang ito. Pitong dekada at isang taon na ako sa mundo bukas, Agosto 7.

Dahil nagpasasa sa iba’t ibang bisyo noong kabataan – alak, yosi, marijuana, cocaine dahil wala pang shabu noon, at iba pang iligal na gamot (hindi lang ako nagturok ng heroin) hanggang sa maging drug addict at alcoholic (solo akong tumotoma araw-araw. Madalas ay isang lapad na Tanduay na susundan pa ng 5 boteng ice cold San Miguel beer) – wasak na ang katawan ko bago ako nagising at nagbago ng buhay.

Pero may iniwang lamat ang lahat ng pang-aabuso sa katawan. Tatlong ugat sa puso ko ang nabarahan. Nang dumaan ako sa angioplasty sa PH Heart Center noong 2021, mabuti at dalawa na lang ang may bara. Gumaling ang isa dahil sa gamot at istriktong pangangalaga ko sa katawan. Malaking gastos. Ubos ang inipon. May utang pa.

Ngayon, dahil posible pa akong kabitan ng heart pacemaker, nasa siyam na iba’t ibang tabletas at kapsula ang tinitira kong gamot araw-araw. Kasama pa ang dalawang beses isang taon na medical tsek up pati na rin ang kumander ko. Nakatutok pa rin ako sa istriktong diet, wala nang yosi o anumang klase ng alak kahit na ang dati kong paboritong SMB, wala na rin ang dating praktika kong pag-inom ng kape anumang oras. Mainit na tsokolate o chamomile tea na ang tinitira ko.

Kaya isang paalala sa ating lahat lalo na ang mga bata pa. Lubusang pangalagaan ang kalusugan. Huwag itong abusuhin dahil darating at darating ang sandali ng paniningil. Gawing taunan ang medical tsek up kahit sa mga pampublikong pagamutan. Importante ito.

Tandaan natin: Ang kalusugan ngayong panahong ito ay isang kayamanan. Sabi nga sa wikang Ingles: Health is wealth.

Now, ano ang selebrasyon sa birthday ko? Isang simpleng salo-salo lang ng pamilya. Hindi kasama sa badyet ang anumang luho. Prayoridad namin ngayon ang pangangalaga sa kalusugan partikular ang panggagamot sa anumang karamdaman kasama na ang pagbabantay ko sa depekto ng aking paningin dahil sa palpak na opera sa katarata noon.

Sabi ko nga sa mga kapamilya at kaibigan, mas gugustuhin ko pang regalo ang alinman sa aking maintenance medicines. Mas lalong malaking grasya kung may kasama pang pambayad sa doctor at medical test na naka-iskedyul ngayong buwang ito. Sana nga, merong magbigay. Ha, ha, ha!

May mga taon na pumipila ako sa DSWD dahil kailangan. Kesehodang may nakatingin sa akin na parang nagtataka dahil kilala akong news reporter sa mahigit na tatlong dekada. Liwanagin ko lang. Hindi porke’t nasa larangan ng mass media ay mayaman. Meron! ‘Yung mga nagpuputa sa praktika ng kanilang propesyon. Pero ang marami sa amin, lalo na ang mga katulad kong mga nasa probinsya at may edad na, ay umaasa lang sa kalinga ng pamilya at tulong ng pamahalaan dahil kakarampot ang kinikita.

Para sa akin, ang patuloy kong pamamalagi sa larangan ng pamamahayag sa kabila ng panganib – binaril na akong minsan. May bala pa ako ng kalibre .45 sa likod ko – aking edad at karamdaman (marami sa mga katropa ko ay retirado na at pabandying-bandying na lang sa buhay) – ay tulak ng aking pagmamahal sa propesyon at kagustuhan kong manatiling makabuluhan sa pamamagitan ng aking maliit na maiaambag para sa pagpapataas ng kamalayang panglipunan ng sinumang sumusubaybay sa Kape at Brandy. Simple lang pero masaya ako.

Happy birthday Sonny Boy! Cheers!

174

Related posts

Leave a Comment