KINUMPIRMA ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na naging matagumpay at maayos ang paglilipat ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte patungong Senado nitong Miyerkoles ng gabi.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Garafil na nanatiling nakatutok ang Kamara sa pagtupad ng tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon sa kabila ng mga kasabay na kaganapan sa Senado.
“The transmittal of the Articles of Impeachment to the Senate last night was completed successfully and in an orderly manner despite the many developments unfolding simultaneously,” ani Garafil.
Ayon kay Garafil, tuluy-tuloy ang naging trabaho ng House Secretariat upang matiyak na tama at kumpleto ang lahat ng dokumento bago ang opisyal na transmittal.
Eksaktong alas-7:22 ng gabi nang tanggapin ni Senate Secretary Mark Leandro Mendoza ang mga dokumento mula sa Kamara, ilang sandali bago ang napaulat na tensyon at putukan kaugnay ng planong pag-aresto kay Sen. Ronald dela Rosa.
“Our personnel worked continuously to ensure the proper reproduction, verification, collation, and official transmission of the documents. Every step was undertaken with utmost care because the integrity and accuracy of the submission are paramount,” paliwanag ni Garafil.
Naghanda ang Kamara ng 27 printed copies ng Committee Report No. 261 sa ilalim ng House Resolution No. 989, kabilang ang 27 flash drives na naglalaman ng electronic copies ng impeachment articles.
Sa opisyal na transmittal, inaasahan nang magko-convene ang Senado bilang impeachment court para sa paglilitis sa ikalawang impeachment case laban kay Duterte.
Naaprubahan ng House plenary ang impeachment complaint sa botong 257-25 habang siyam ang nag-abstain.
Kabilang sa mga reklamong kinakaharap ni Vice President Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, paglabag sa Konstitusyon, betrayal of public trust, graft and corruption at iba pang impeachable offenses.
Itinanggi rin ng liderato ng Kamara na may naging delay sa transmittal dahil sa pulitika. Ayon sa Kamara, naging mabusisi lamang ang proseso dahil sa dami ng kalakip na documentary evidence, affidavits, transcripts, certifications, findings mula sa Commission on Audit at financial records mula sa mga pagdinig ng House Committee on Justice.
(TINA MENDOZA)
68 