MALACAÑANG SA ‘SENATE SHOOTING’: APLASCA NG OSAA UNANG PUMUTOK

SINABI ng Malakanyang na si Senate Sergeant-at-Arms at retired Police Major General Mao Aplasca ang unang nagpakawala ng warning shot sa insidente ng putukan sa Senado noong Miyerkoles.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi nagsagawa ng anomang pag-atake ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation.

“Nagpakilala na NBI agents at nung nagsabi sila ng kanilang pagkakakilanlan, agad nagpaputok ng warning shot si Sergeant-at-Arms Mao Aplasca. At dahil do’n, napilitan ding magpaputok ng warning shot ang NBI agent,” ayon kay Castro.

Kinumpirma rin ni NBI Director Melvin Matibag na nagpakawala rin ng warning shot ang NBI agent, ngunit ginawa lamang ito matapos ang unang warning shot mula sa Office of the Sergeant-at-Arms.

Ayon kay Matibag, umalis din agad sa Senado ang NBI agent matapos ang insidente kasama ang isang blue guard.

Sinabi naman ni PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. na matapos ang anim na warning shots mula sa NBI agent ay “not less than 30” na putok ang isinagot umano ng Office of the Sergeant-at-Arms.

Aniya, iniimbestigahan na ang insidente batay sa CCTV footage, mga nakuhang basyo at iba pang ebidensya.

Samantala, nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala siyang ibinigay na utos para arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isang video statement, sinabi ng Pangulo na inutusan niyang umalis ang mga tauhan ng NBI sa Senado matapos lumabas ang resolusyon mula sa Korte Suprema alas-4 ng hapon noong Miyerkoles.

Ayon pa sa Pangulo, nakausap niya sina NBI Director Matibag at Senate President Alan Peter Cayetano upang tiyaking mananatiling kalmado ang sitwasyon habang iniimbestigahan ang insidente.

“Ito ba ay talagang nagka-engkuwentro lang o ito ba ay may kasamang destabilization o nagsisimula ng gulo. Kailangan po natin malaman iyan,” ani Pangulong Marcos.

Binigyang-diin din ng Pangulo na walang taga-labas na armado mula sa militar, NBI o ibang ahensya ng gobyerno ang pumasok sa Senado upang manggulo.

“Kalma lamang po. Asahan ninyo, ang gobyerno po ninyo hindi gagawin ito,” dagdag ng Pangulo.

(CHRISTIAN DALE)

74

Related posts

Leave a Comment