IBINUNYAG ni Senador Panfilo Lacson na nagiging for sale na rin o ibinebenta na ang accreditation ng mga kontratista ng mga proyekto ng gobyerno tulad ng flood control projects.
Sa interpelasyon kay Lacson, sinabi niyang may natanggap silang impormasyon na nagsisimula sa P2 million ang bayaran sa Philippine Contractors Accreditation Board o PCAB.
Ang PCAB ay implementing board ng Construction Industry Authority of the Philippines na nasa ilalim ng Department of Trade and Industry.
Ipinaliwanag ni Lacson na bahagi ng accreditation for sale ang pagsasaayos ng bank certifications at lahat ng iba pang requirements para sa contractors.
Nabanggit ni Lacson ang pagbubunyag kasunod ng pagtatanong ni Senate Minority Leader Vicente Tito Sotto III kung bakit na-accredit na contractors ng government project ang mga construction firms na Alpha and Omega at St. Timothy Construction na pag-aari rin ng St Gerard Construction Firm na blacklisted na sa pamahalaan.
Nagkasundo ang dalawang senador na sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa flood control projects ay kanilang itatanong ang isyu sa PCAB.
(DANG SAMSON-GARCIA)
