INIHAYAG ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isang aktibong heneral ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y sangkot sa kontrobersyal na kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Remulla, ang naturang heneral ay tumulong mismo sa mga pangunahing suspek at kalaunan ay naitalaga pa bilang Regional Director, bagay na tinuligsa ng kalihim.
“Isa pang heneral na ginawang Regional Director na hindi dapat inilagay sa puwesto. Kasi siya ang nagbigay ng tulong at ayuda sa mga suspek dito sa missing sabungeros case,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa ng kalihim, nang mailipat sa bagong posisyon ang nasabing heneral, isinama pa nito ang ilang suspek at ginawa silang bahagi ng kanyang opisina. Gayunman, tumanggi muna si Remulla na pangalanan ang naturang opisyal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kasabay nito, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na mahigpit na nilang mino-monitor ang galaw at mga biyahe ng mga personalidad na sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, ipinag-utos ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na bantayan ang lahat ng tauhan at tiyaking matutunton ang anumang paglabas ng bansa ng mga nasasangkot.
Nilinaw ni Sandoval na ang kautusan ay isang “proactive measure” pa lamang, dahil wala pa silang natatanggap na opisyal na kopya ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) mula sa Department of Justice.
Matatandaang una nang iniutos ni Secretary Remulla ang pagbabantay sa mga posibleng pagbiyahe ng mga suspek batay na rin sa mga pahayag ng whistleblower na si Julie Patidongan.
Ipinaliwanag ng BI na ang ILBO ay hindi direktang nakapipigil sa isang tao na makalabas ng bansa, ngunit nagsisilbi itong abiso sa mga awtoridad tuwing may isang personalidad na nasa listahan ang aalis.
(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)
148 