MAGLALABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang Executive Order (EO) para pormal na buuin ang isang independent commission na tututok sa imbestigasyon ng mga maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, dadaan sa mahigpit na screening ang mga miyembro ng komisyon upang matiyak ang pagiging patas at kredibilidad ng imbestigasyon.
“This independent commission will be under the executive. They will investigate all documents and complaints and recommend cases to the proper agencies. If government officials are involved, the cases will definitely go to the Ombudsman,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Malacañang.
Dagdag pa niya, kinakailangan na ang mga miyembro ng komisyon ay tunay na independent at hindi mamumulitika.
Kinumpirma rin ng Pangulo na ang naturang body ay magiging “investigative arm” ng gobyerno laban sa korapsyon sa DPWH. “They will investigate it, and they will make recommendations as to how to proceed—whether kasuhan, iakyat sa Ombudsman o dalhin sa DOJ,” ani Marcos.
Bagama’t hindi pa pinal ang komposisyon, sinabi ng Pangulo na posibleng kabilang sa komisyon ang forensic investigators, mga abogado, piskal, at retired justices upang masiguro ang integridad at kakayahan nitong repasuhin ang mga kontrata at reklamo.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng pagbibitiw ni Public Works Secretary Manuel Bonoan sa ilalim ng prinsipyo ng “command responsibility” matapos ibunyag ang mga iregularidad sa multibillion-peso flood control projects.
Nilinaw ng Pangulo na hindi pa natutukoy ang magiging liderato at istruktura ng komisyon. “It depends on how it’s structured—five members ba, seven members? Sino ang magiging chair? All of those things, we haven’t put the structure together yet,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, ang komisyon ay mangangalap ng ebidensya at magbibigay ng rekomendasyon kung dapat isampa ang kaso sa DOJ o iakyat sa Ombudsman laban sa mga sangkot sa maanomalyang proyekto.
(CHRISTIAN DALE)
132 