CSC CHAIRPERSON KINASTIGO SA PAGKA-CASINO NG ILANG TAGA-GOBYERNO

DISMAYADO si Senate Minority Leader Vicente Tito Sotto III kay Civil Service Commission Chairperson Marlyn Barua-Yap makaraang igiit na wala pang batas na nagbabawal sa mga kawani ng pamahalaan sa online gambling o sa mga land based gambling o kahit sa casino matapos ang office hours.

May kaugnayan ito sa mga nabunyag na pagka-casino ng ilang district engineers at empleyado ng Department of Public Works and Highways at nagpapatalo ng milyong-milyong piso.

Binanggit ni Sotto ang pahayag ni Barua-Yap sa pagdinig ng Kamara na ang pagbabawal ay makikita lamang anya sa executive order na ilang taon nang inilabas.

Idinagdag pa ng CSC chairperson na ‘tricky’ din ang prohibition o pagbabawal dahil ang gambling ay may dalawang uri — ang illegal gambling at ang mga sugal na nag-ooperate batay sa mga lisensya.

Sinabi ni Sotto na dapat i-review ng opisyal ang pag-unawa sa mga batas at maging maingat sa mga pahayag kasabay ng panawagan sa Commission on Appointments na maging mabusisi sa pagsusuri sa mga kinukumpirma.

Iginiit ni Sotto na mayroon nang Presidential Decree 1869 na inilabas noong 1983 na bumuo sa PAGCOR kung saan nakasaad ang mga taong pinagbabawalang magsugal.

Mayroon din anyang Republic Act 6713 na nilagdaan noong February 1989 na nagtatakda ng code of conduct and ethical standards of public officials and employees.

Nakapaloob naman anya sa Memorandum Circular 8 na inilabas ni dating Pangulong Gloria Arroyo na nagbabawal sa lahat ng government officials and employees na pumasok at maglaro sa casino.

Ganito rin anya ang nilabas ng Memorandum circular ni dating pangulong Rodrigo Duterte na nagsaad na maituturing na conduct prejudicial to the best interest of the service ang pagsusugal ng mga kawani ng pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

106

Related posts

Leave a Comment