MGA PARING SUPPORTER NI TORRE SUMUGOD SA CRAME

NAGTIPON kahapon bago magtanghali sa harap ng Gate 2 ng Camp Crame ang grupo ng mga pari mula sa Clergy for Good Governance upang iparating ang kanilang liham ng suporta kay dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III.

Bitbit nina Rev. Fr. Robert Reyes, convenor ng grupo, ang liham na pumupuri kay Torre sa kanyang katapatan at paninindigan para sa katarungan, kabilang na ang kanyang papel sa pag-aresto kina Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kasabay nito ay nanawagan din si Reyes sa sambayanan na makiisa sa panawagan ng kanilang grupo para sa pagbabalik-loob at pagsisisi sa gitna ng mga alegasyon ng katiwalian.

Ipinakita ng mga pari ang kanilang paninindigan sa pamamagitan ng panalangin habang nakasuot ng sako at may abo sa mukha at kamay bilang simbolo ng pagpapakumbaba. Samantala, hindi pinayagang makapasok si Reyes sa loob ng Camp Crame upang personal na maibigay ang liham kay Torre at sinabi na lamang ng mga pulis na sila na ang mag-aabot nito sa dating pinuno ng PNP na ngayo’y natanggal sa puwesto.

(TOTO NABAJA)

222

Related posts

Leave a Comment