SALN NG MGA KONGRESISTANG PINANGALANAN NG MGA DISCAYA PINALALANTAD

HINAMON ng isang miyembro ng minorya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga kongresista at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na idinawit ng mag-asawang Pacifico “Curlee” at Sarah Discaya sa anomalya sa flood control projects na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Sa pagbubunyag nitong umaga sa Senado, hinahamon natin ang lahat ng nadawit—mula tauhan at opisyal ng DPWH hanggang sa ilang mambabatas—na ipakita ang kanilang SALN at lumagda ng waiver sa bank secrecy para sa ganap na transparency,” ayon kay Akbayan party-list Rep. Chel Diokno.

Kabilang sa mga pinangalanan ng Discaya couple sina House Speaker Martin Romualdez, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, Pasig City Rep. Roman Romulo, Uswag-Ilonggo party-list Rep. Jojo Ang, at Quezon City Reps. PM Vargas, Arjo Atayde at Marivic Co-Pilar.

Kasama rin sa listahan ang mga incumbent na sina AGAP Rep. Nicanor Briones, Marikina Rep. Marcy Teodoro, Romblon Rep. Eleandro Madrona, Laguna Rep. Benjie Agarao Jr., Quezon Rep. Reynante Arrogancia, Aklan Rep. Teodorico Haresco Jr., Caloocan Rep. Dean Asistio, at Occidental Mindoro Rep. Leody Tarriela.

Maging ang mga dating kongresista ay nadawit din—dating An Waray Rep. Bem Noel, dating Zamboanga Sibugay Rep. Antonietta Eudela, dating Quezon City Rep. Marvin Rillo, at dating San Jose del Monte City Rep. Rida Robes.

Hinamon pa ni Diokno ang iba pang kontratista at opisyal ng gobyerno na lumantad at ibunyag ang kanilang nalalaman:

“Kita na ang corruption—paulit-ulit sa iba’t ibang administrasyon, umaabot sa pinakamataas na antas ng pamahalaan. Dapat managot ang nasa likod nito pati na ang kanilang mga kasabwat. Hindi tayo papayag na may makakalusot.”

‘Tip of the Iceberg’

Samantala, naniniwala si Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando na ang ibinunyag ng Discaya couple ay simula pa lamang.

“Tip of the iceberg pa lang ito—maliit na bahagi ng napakalaking katiwalian at pagtatraydor sa taumbayan. Flood control pa lang ang pinag-uusapan. Paano pa kaya sa ibang proyekto ng gobyerno?” aniya.

Dahil dito, umapela ang mambabatas na palalimin pa ang imbestigasyon at habulin ang lahat ng sangkot, anuman ang kulay o partido, para mabigyan ng hustisya ang sambayanang Pilipino.

Iginiit din niya sa Office of the Ombudsman na agad na imbestigahan ang mga kongresista at DPWH officials na pinangalanan ng mga Discaya.

(BERNARD TAGUINOD)

232

Related posts

Leave a Comment