DATING DPWH OFFICIAL SA BULACAN ISINAILALIM SA PROTECTIVE CUSTODY NG KAMARA

ISINAILALIM sa protective custody ng House Committee on Public Works and Highways (Infra Committee) ang isang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan dahil umano sa banta sa kanyang buhay.

Sa mosyon ni Manila Rep. Joel Chua, co-chairman ng Infra Committee, inaprubahan ni lead chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang kahilingan ni Engr. JP Mendoza na isailalim siya sa proteksyon ng Kamara.

Si Mendoza, na dating nakatalaga sa Bulacan First District Engineering Office, ay kabilang sa mga dinismiss ni DPWH Secretary Vince Dizon dahil sa mga anomalya sa flood control projects sa lalawigan.

Habang iniimbestigahan ng mga kongresista, ibinunyag ni Mendoza na nakatanggap siya ng serye ng pagbabanta mula sa isang nagpakilalang “hitman.”

“Last September 1 po, may nag-message sa Viber, ang naka-name ay ‘Hitman.’ Tapos ngayon po, bago ako magsalita, tumatawag na naman siya,” pahayag ni Mendoza.

Humiling siya ng agarang seguridad para sa kanyang sarili at pamilya. “Kung baga sana, ‘yung ina-ask ko po na security ay ASAP na po sana sir… puwede pong masama din ‘yung family ko po,” aniya.

Bago natapos ang pagdinig, agad inaprubahan ng komite ang kanyang kahilingan.

Samantala, inilagay na rin sa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, na unang umapela sa komite na huwag siyang ibalik sa Senado kung saan siya na-contempt at nakulong.

Matatandaang idinawit ni Hernandez sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, na umano’y nakatanggap ng 30% komisyon mula sa flood control projects na inilaan sa Bulacan sa pamamagitan ng dating District Engineer Henry Alcantara.

Sa koordinasyong isinagawa ni Rep. Ridon sa Senado, napagpasyahang ilipat si Hernandez sa kustodiya ng PNP para sa kanyang seguridad.

(BERNARD TAGUINOD)

60

Related posts

Leave a Comment