POSIBLENG umabot sa siyam hanggang 10 ang magiging miyembro ng bagong minority bloc sa Senado kasunod ng biglaang pagpapalit ng liderato, kahapon.
Ito ang inihayag ni Senador Alan Peter Cayetano kasabay ng kumpirmasyon na kahapon sila nakatakdang pumili ng kanilang magiging Senate minority leader.
Kasama sa itinuturing ni Cayetano na kabilang sa minority bloc ay ang Duterte bloc na sina Senators Bong Go, Bato dela Rosa, Robin Padilla, Rodante Marcoleta at Imee Marcos.
Makakasama rin sa grupo sina dating Senate President Chiz Escudero gayundin si dating Senate Majority Leader Joel Villanueva at dating Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
Samantala, umaasa si Cayetano na magsisilbing daan sa tunay na reporma ang pagbabago sa liderato ng Senado.
Binigyang diin niya na ang totoong kalaban ay hindi kapwa politiko kundi ang katiwalian sa bansa.
Babala pa niya na kung hindi matutugunan ang isyu ng korupsyon, lalo lamang itong lalala at babalik sa mas malalang anyo.
Marcoleta Out na
Kinumpirma ni Senate President Vicente Tito Sotto III na si Senate President Pro Tempore Panfilo Ping Lacson na ang mamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee kapalit ni Senador Rodante Marcoleta.
Ayon kay Sotto, isa ito sa napagkasunduan ng mayorya sa kanilang caucus matapos ang pagpapalit ng liderato sa Senado.
Ipinaliwanag ng Senate leader na hindi na miyembro ng majority bloc si Marcoleta at ang Blue Ribbon Committee ay nakalaan lamang para sa mayorya.
Iginiit din ni Sotto na wala sa umiiral na mga patakaran, maging sa Blue Ribbon Committee Charter o sa pangkalahatang Senate Rules, ang nagsasaad na kailangang isang abogado ang uupo bilang chairman ng Blue Ribbon Committee.
Inihalimbawa pa ni Sotto na noong 9th Congress, inihalal nila si Senador Sonny Alvarez bilang chairman ng Blue Ribbon Committee kahit hindi ito abogado.
Binigyang-diin pa ng Senate President na hindi garantiya ang pagiging abogado upang maging mahusay na imbestigador kasabay ng paggiit na mas mahusay si Lacson pagdating sa imbestigasyon.
Tiniyak din ni Sotto na ipagpapatuloy ni Lacson ang sinimulang imbestigasyon ng komite kaugnay sa iregularidad sa flood control programs.
Mananatili naman si Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng Senate Committee on Finance na siyang mangunguna sa pagbusisi ng panukalang pambansang pondo para sa 2026.
Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na mababago rin ang chairmanship sa ilang komite sa Senado kasunod ng pagpapalit ng liderato.
Ani Lacson, planong ibigay kay Senador Raffy Tulfo ang pamamahala sa Senate Committee on Labor and Employment na hawak ngayon ni Senador Imee Marcos.
Ang Senate Committee on National Defense na pinamumunuan ngayon ni Senador Jinggoy Estrada ay planong ibigay kay Senador Loren Legarda.
Aminado naman si Lacson na hindi maaaring maliitin ang kasalukuyang minority bloc dahil siyam ang miyembro nito.
(DANG SAMSON-GARCIA)
151 