DUMULOG sa tanggapan ng National Police Commission o NAPOLCOM nitong Biyernes ng umaga ang isang Grab driver upang ireklamo ang pitong pulis ng Manila Police District (MPD).
Ang mga pulis na inireklamo ay may mga ranggong Patrolman, Corporal, Master Sergeant at pinakamataas ang isang Police Major na hepe umano ng District Drug Enforcement Unit.
Batay sa salaysay ng biktimang Grab driver, noong Setyembre 9, bandang alas-3:00 ng hapon, habang nakatambay at nagkukwentuhan sila ng isa sa kanyang mga kasamahan sa tapat ng isang tindahan sa Balic-Balic, Sampaloc, Manila ay bigla na lamang silang pinagdadampot ng pitong kalalakihan.
Isinakay raw sila sa isang SUV at pulang kotse at inikot-ikot sa isang lalawigan at pinagbantaan na papatayin kapag hindi susunod sa kanilang utos.
Hindi rin umano nakaligtas ang laman ng kanyang GCash na P9,000.00 halaga na kinuha ng mga suspek.
Habang kumakain ang tropa ng mga pulis, nakakuha naman ng pagkakataon ang biktima na makatakas habang naiwan naman ang kanyang kasamahan.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong administratibo ang pitong pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) matapos magreklamo ang Grab driver nakatakas umano mula sa pagdukot ng nasabing mga pulis sa Sampaloc, Maynila.
Ayon naman kay Napolcom Vice Chairman Rafael Calinisan, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga pulis na ngayon ay nasa aktibong duty pa rin.
(TOTO NABAJA)
179 