Medical dinaya ng agency? OFW MULA SA TARLAC NAIS NANG UMUWI

IPINARATING ni Congresswoman Cristy Angeles ng Tarlac City sa OFW JUAN ang sumbong ng isang overseas Filipino worker (OFW) na si Judea Casupanan, residente ng Brgy. Mapalacsiao, Tarlac City, na kasalukuyang nasa Saudi Arabia.

Ayon sa kanyang live-in partner na si John Paul Alfonso, umalis ng Pilipinas si Casupanan noong Hulyo 29, 2025 upang magtrabaho bilang domestic helper. Gayunman, makalipas lamang ang ilang linggo ay ibinalik siya ng kanyang employer sa recruitment agency dahil sa pananakit ng kanyang operasyon matapos manganak sa pamamagitan ng caesarian section.

Lumabas na mahigit limang buwan pa lamang mula nang manganak si Casupanan, taliwas sa pahayag umano ng ahente ng Philcango na limang taon nang nakalipas ang operasyon. Dahil dito, tinanggihan na siya ng employer at agad na ibinalik sa agency.

Sa kasalukuyan, humihingi ng tulong si Casupanan para sa kanyang agarang repatriation. Nananawagan ang kanyang pamilya at si Congresswoman Angeles sa mga kinauukulan upang mabigyang-pansin ang sitwasyon at makauwi agad ang naturang OFW para sa tamang atensyong medikal at kalinga ng pamilya.

Batay sa talaan, ang local recruitment agency na nagproseso ng kanyang pag-alis ay ang Philcango Manila Welfare na nakabase sa Ermita, Maynila.

Ang naturang reklamo ay naiparating na sa opisina ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Cacdac at sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

261

Related posts

Leave a Comment