PINASASAGOT ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang Senado kaugnay sa writ of Amparo na inihain ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez.
Sa inilabas na kautusan ni Judge Geoffrey Llanera, presiding judge ng RTC Branch 112, binigyan ng 72 oras ang Senado upang magsumite ng detalyadong tugon na nagpapatunay na hindi nilabag o binantaan ang karapatan ni Hernandez. Inaatasan din ang Senado na ilahad ang mga ginawang hakbang upang matiyak ang kanyang constitutional rights at iba pang may kaugnayan sa umano’y banta laban sa kanya.
Kasabay nito, hiniling ni Hernandez ang temporary protection order at ang kanyang paglilipat sa witness protection program ng Department of Justice (DOJ). Dahil dito, pinadadalo ng korte ang director ng Witness Protection Program sa nakatakdang summary hearing sa Setyembre 15, alas-9:00 ng umaga.
Matatandaang ipinakulong ng Senado si Hernandez matapos ideklarang in contempt dahil umano sa pagsisinungaling nito hinggil sa paggamit ng alyas sa pagsusugal sa casino.
(CHAI JULIAN)
190 