NAGHAIN ng Extreme Urgent Motion ang Real Steel Corporation sa Office of the Ombudsman noong Setyembre 8, 2025 para agad na suspendihin sa puwesto si San Simon, Pampanga Mayor Abundio “JP” Simbulan Punsalan, Jr. dahil sa umano’y mabigat na ebidensiya ng grave misconduct at seryosong katiwalian.
Ang mosyon ay isinampa ilang araw matapos ipag-utos ng Regional Trial Court ng Muntinlupa City, Branch 206, ang pagpapalaya kay Punsalan noong Setyembre 2, 2025, kasunod ng pagkakaaresto sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation noong Agosto 5, 2025.
Nahaharap si Punsalan sa kasong Robbery by Extortion at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (R.A. 3019) kaugnay ng umano’y pangingikil laban sa Real Steel. Giit ng kumpanya, ang pagpapalaya sa alkalde nang walang kasamang preventive suspension order ay nagbabalik sa kanya ng kapangyarihan na maaari umanong gamitin laban sa mga nagsampa ng reklamo.
“We are extremely concerned that Mayor Punsalan, armed with political power and influence, can exert undue pressure and even tamper with evidence while the case is still under investigation,” pahayag ng Real Steel sa kanilang mosyon.
Ayon sa NBI, nahuli si Punsalan matapos umano itong tumanggap ng pera mula sa RealSteel kapalit ng mga permit at proteksyon. Una siyang nakulong sa NBI headquarters bago pinalaya ng korte.
Binigyang-diin ng Real Steel na pasok si Punsalan sa lahat ng kondisyon para sa preventive suspension sa ilalim ng Ombudsman Act (R.A. 6770): Malakas ang ebidensiya laban sa kanya at ang kanyang pananatili sa puwesto ay maaaring makaapekto sa imbestigasyon at kalalabasan ng kaso.
Nanawagan ang kumpanya sa Ombudsman na agad kumilos upang mapangalagaan ang integridad ng proseso ng batas, maiwasan ang panggigipit sa mga saksi, at matiyak ang katarungan.
(DANNY QUERUBIN)
218
