MALACAÑANG – Iniuutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ayusin ng mga kontratistang gumawa ng palpak na infrastructure projects, lalo na sa flood control, ang kanilang trabaho gamit ang sariling pera.
Sa presscon sa Kalayaan Hall nitong Lunes, Setyembre 15, binigyang-diin ng Pangulo na may “warranty” ang lahat ng government projects kaya obligadong bumalik ang kontratista kapag depektibo ang kanilang ginawa.
“Kahit sabihin nilang completed, kapag nadiskubre na hindi tama ang pagkagawa, they still have to honor the warranty,” ani Marcos Jr.
Mariin din niyang binalaan ang mga tiwaling kontratista: “Balikan ninyo iyong walang kwentang project na ginawa ninyo at ayusin ninyo na maganda, out of your own pocket,” giit ng Pangulo.
Kasabay nito, inatasan din ng Pangulo ang bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tutukan ang accountability at financial losses sa mga iregularidad.
“Don’t politicize this. Simple lang ito—magkano ang ninakaw ng mga balasubas na ito. That is what we need to fix,” dagdag pa niya.
Posible ring makasuhan ang mga kontratista base sa magiging findings ng komisyon.
Itinatag ang ICI matapos mabunyag ang mga anomalya sa multi-billion peso flood control projects, na binanatan mismo ni Marcos Jr. sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA).
(CHRISTIAN DALE)
148
