PAMBABRASO UMANO NI CO SA DA, PAGKAGAHAMAN – TIANGCO

TINAWAG ni Navotas Rep. Toby Tiangco na “kagahamanan” ang umano’y tangkang pang-aagaw ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa industriya ng isda, bukod pa sa mga kontrobersyal na proyekto nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Eto naman si Zaldy, ang dami na niyang pera. Pati legal na negosyo ng mga tao, gusto pang kuhanin. Ano ba ‘yan, hindi pa ba siya nasisiyahan?,” banat ni Tiangco sa ambush interview kahapon.
Giit pa ng kongresista, garapalan na ang pagkagahaman kung pati hanapbuhay ng ibang negosyante ay gusto pang angkinin.

Si Co, na nadadamay sa kontrobersyal na flood control projects, ay isinasangkot sa umano’y P13.8 bilyong insertions sa 2025 national budget bukod pa sa P2 bilyon na isiningit ng kanyang partido. Pag-aari rin umano ng pamilya nito ang Sunwest Construction and Development Corporation, isa sa top 15 contractors na binanggit mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nabuking ang bagong isyu nang ibunyag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na tinangka umano siyang brasuhin ni Co para bigyan ng fish import allocation ang tatlong kumpanya kabilang ang ZC Victory Fishing Corporation. Aabot umano sa 3,000 container ang hinihinging alokasyon ni Co.

“Ayaw ko lang sanang pangalanan, pero may isang Congressman na humingi ng malaking allocation ng isda. At ang pangalan niya—Zaldy Co,” bulgar ni Laurel.

Lumabas ito matapos kwestyunin ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon ang umano’y conflict of interest ni Tiangco dahil ang pamilya nito ay may-ari rin ng fishing company na kabilang sa top importers.

Pero depensa ni Tiangco, malinaw na pagsira sa kanyang kredibilidad ang pakana, at sablay raw dahil hindi alam ni Ridon ang umano’y pambabraso ni Co.

“Ako pa nga ang nag-raise na ipatawag si Zaldy Co. Hindi ba’t obvious na protektor siya? Ako ang tinitira para mailigtas si Co. Connection na ‘yan,” diin ni Tiangco.

(BERNARD TAGUINOD)

176

Related posts

Leave a Comment