3 DAYS TRANSPORT STRIKE TUTUTUKAN NG PNP

TINIYAK kahapon ng Philippine National Police na masusi nilang tututukan ang ikinakasang 3 days transport strike na papuputukin ngayong araw, Setyembre 17, 2025, sa Metro Manila at maging sa iba’t ibang urban areas sa bansa.

Bukod sa planong pagparalisa ng transport sectors sa sistema ng transportasyon bilang pakikiisa sa kampanya kontra korupsyon bunsod ng nabulgar na multibillion flood control anomaly, ay binabantayan din ng PNP ang ikinakasang malawakang kilos-protesta sa Luneta sa darating na Setyembre 21, 2025.

Ayon kay Acting PNP chief, PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ipinag-utos na sa pulisya ang pagtaas ng kanilang alerto at pagde-deploy ng sapat na tauhan sa lansangan.

Kaugnay sa gaganaping tigil-pasada, inihayag ng pamunuan ng PNP ang kahalagahan ng sapat na puwersa at presensya ng mga awtoridad para maiwasan ang anomang karahasan.

“We fully respect the concerns being raised by our friends in the transport sector. Subalit kailangan nating balansehin ang kanilang karapatang mag-strike at karapatan ng ibang tsuper na mamasada at maghanap-buhay—kasama na rin ang karapatan ng mga commuter na huwag maabala,” ani Nartatez.

Inatasan din ang police commanders sa kanilang mga nasasakupan na makipag-ugnayan sa LGUs para sa posibleng deployment ng mga libreng sakay.

Habang inatasan din sila na mag-deploy ng karagdagang pwersa sa mga terminal at mga lugar na apektado ng tigil-pasada at kilos protesta.

Nakahanda naman ang Armed Forces of the Philippines na ayudahan ang PNP dahil may sapat din umanong puwersa na inilaan para sa peace and order maintenance, at civil disturbance management, sakaling kailangan ng PNP.

Nabatid na mula pa Setyembre 12, 2025 ay nakataas na ang alerto ng AFP sa gitna ng lumalaking anti-corruption demonstrations nitong nagdaang linggo at inaasahang lalakas pa bunsod ng panawagan na dumagsa sa Luneta sa Maynila ang mga nagkikilos-protesta laban sa malawakang korupsyon, na ikinakalat na social media partikular sa darating na Setyembre 21, sa paggunita ng Martial Law.

(JESSE RUIZ)

209

Related posts

Leave a Comment