INARESTO ng Manila Police District (MPD) ang 113 katao sa naganap na magulong protesta nitong Linggo sa iba’t ibang bahagi ng Maynila. Ayon kay MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines, nakasuot ng itim at nakatakip ang mukha ng mga sumingit at nanggulo sa rally.
Sa mga dinampot, 65 ay nasa hustong gulang habang 48 ang menor de edad na agad na dinala sa Manila Social Welfare Department. Patong-patong na kaso ang kahaharapin nila kabilang ang illegal public assembly, resistance and disobedience, assault, malicious mischief, serious physical injuries, at arson.
Nasa 129 pulis ang sugatan matapos pagbabatuhin, buhusan ng pintura, at sugurin ng mga raliyista.
Hip Hop Gang
Ayon pa kay Ines, posibleng kasabwat sa gulo ang ilang miyembro ng “hip hop gangster” group na umano’y naimpluwensyahan ng isang rapper personality. Hindi muna pinangalanan ang rapper habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Tinitingnan din ng pulisya kung may halong rebel group sa naganap na kaguluhan. Posible ring ipagbawal na ang pagsusuot ng maskara sa tuwing may rally sa Maynila.
Kinondena ng Kongreso, Media
Kaugnay nito, mariing kinondena ni Rep. Leila de Lima (Mamamayang Liberal party-list) ang karahasan sa Mendiola kung saan sinasabing may namatay at marami ang nasaktan, kabilang ang mga pulis. Aniya, hindi ito ang tamang paraan para labanan ang korupsyon.
Tinuligsa rin ni De Lima ang umano’y paggamit sa mga kabataan mula urban poor bilang panangga sa gulo. May ulat pa umanong isang dating politiko at abogado ang nasa likod ng mga kabataan.
“More than us, they literally are that sector of the population from whom food that is to be fed to their families is snatched from their mouths by the likes of Sarah and Curlee Discaya, former DPWH Engineers Henry Alcantara and Brice Hernandez, and corrupt lawmakers and public officials,” ani De Lima.
Nakiramay din ang mambabatas sa mga Manila Police na naging biktima ng karahasan sa Mendiola.
“Hindi naman kayo ang mga nagnakaw sa mga raliyista at kanilang mga pamilya. Ang mga nagnakaw nandoon sa kanilang mga mansyon, pinapanood na magsakitan ang kanilang mga ninakawan, binabato at hinahataw ang isa’t isa dahil galit na ang taumbayan,” ani De Lima.
Umapela rin ito sa Manila Police District na huwag pagkaitan ng kanilang karapatan ang mga naarestong raliyista subalit ikulong ang mga dapat ikulong lalo na ang gumamit aniya sa mga kabataan para sa kanilang pansariling interes.
Samantala, kinondena ng National Press Club (NPC) at ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang pananakit at pangha-harass sa ilang mamamahayag. Nasugatan ang DZBB reporter na si Manny Vargas matapos batuhin ng mga raliyista, habang minaltrato rin ang isang TV5 reporter.
Pinapurihan naman ng NPC ang PNP sa pagpapakita ng maximum tolerance sa kabila ng kaguluhan.
Lahat Mananagot
MANANAGOT ang lahat ng nasa likod ng karahasan sa naganap na peaceful rally nitong Linggo, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo: pakinggan ang sigaw ng bayan at papanagutin ang lahat ng sangkot. “Kaisa ng taong bayan si President Marcos laban sa korapsyon. Siya mismo ang nagpasimula ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects, at magpapatuloy ito,” ani Castro.
Dagdag pa niya, nirerespeto ng Pangulo ang karapatang pantao kaya’t hindi hinarangan ang malakihang protesta laban sa katiwalian. Pero mariin din nitong kinondena ang paggamit ng kabataan ng mga grupong tinawag na “Team Itim” — mga nakamaskarang elemento na aniya’y walang ibang ginawa kundi manggulo, magnakaw, manunog, at manira.
“Hindi kayo makakalagpas sa kamay ng batas, pati ang mga nasa likod ninyo na gahaman sa kapangyarihan. Hustisya ang uusig sa inyo,” matapang na pahayag ni Castro.
Samantala, pinaalalahanan din ng Palasyo ang mga gumagamit ng foul language sa protesta. Anila, karapatan ng lahat ang magsalita, pero may pananagutan din silang maging mabuting halimbawa, lalo na para sa kabataan. “Ipinaglalaban natin ang tama. Idaan natin sa paraang tama,” dagdag ni Castro.
Mga Tulisan
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Interior Secretary Jonvic Remulla na paigtingin ang aksyon laban sa mga nanggulo at arestuhin ang lahat ng nasa likod ng kaguluhan. Ayon kay PCO Undersecretary Claire Castro, malinaw na hindi mga raliyista ang gumamit ng karahasan kundi “outlaws” na ang layunin ay siraan at pabagsakin ang gobyerno.
Sa kabila ng utos ng maximum tolerance, nauwi sa gulo ang kilos-protesta sa paligid ng Malacañang. Mga nakamaskara at nakaitim na indibidwal ang nagtangkang itulak ang anti-riot police, nambato, at sinunog pa ang isang trailer truck sa Ayala Bridge. Ilang nagprotesta pa ang may dalang bandila ng “One Piece” Straw Hat Jolly Roger, na mas lalong nagdulot ng kalituhan sa hanay ng mga awtoridad.
(TOTO NABAJA/BERNARD TAGUINOD/JULIET PACOT/CHRISTIAN DALE)
164
