95 pulis nasaktan, mahigit 200 inaresto IMBESTIGASYON SA KARAHASAN SA ANTI-CORRUPTION RALLY PATULOY

INIHAYAG ng Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police na patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring karahasan sa isinagawang anti-corruption rally na ikinasugat ng 95 pulis partikular sa hanay ng Civil Disturbance Management.

Ayon sa PNP, inaalam nila kung sino ang nagpasimuno sa kaguluhan at sino ang nasa likod ng paghahasik ng karahasan sa isinagawang “Trillion peso march sa EDSA” at “Baha sa Luneta” kontra korupsyon rally.

Sinasabing humigit kumulang sa 95 miyembro ng pulisya ang nasaktan sa kasagsagan ng kaguluhan sa gitna ng anti-corruption protest actions sa Ayala Bridge at sa Mendiola, Manila.

Sa isang panayam kay PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Major General Anthony Aberin, ang grupo ng mga raliyista partikular ang mga nakasuot ng itim na damit at black ski mask, ay sumama sa Luneta rally, na deklaradong generally peaceful, bago nagpasyang tumungo sa Ayala Bridge sa layuning makadikit sa Malacañang.

“Nung nasa Luneta tayo, doon pa lang, itong grupo na ito pinagtuunan na namin ng pansin kasi during that time sa Luneta, ‘yung mga nagra-rally, nagpaputok na sila ng dalawang firecrackers at doon palang may na-hold na po tayo. From there, minonitor namin sila habang on the way nagmamartsa sila papuntang Ayala,” ani Aberin.

“Noong na-determine natin na doon sila pupunta, pinaharangan na po natin ng container van na dalawa doon. Kapag pumunta kasi sila ng Ayala, ang tumbok don pupunta sila sa Palasyo, kaya ‘yung deployment natin don, pinaalerto at barricade natin. From there, nung may nakita silang pulis, wala pong kaabog-abog na namato na sila sa mga pulis natin doon,” ani Aberin.

Bukod sa pambabato, paghahagis ng pintura at iba pang mga madadampot na bagay sa hanay ng pulisya na nagpapatupad ng maximum tolerance, ay sinira rin ng mga protester na nakasuot ng all black, ang mga public and private property pati stoplights at center islands.

Sinunog din nila ang mga gulong ng container van at ilang motorsiklo na pag-aari ng mga pulis, bukod sa paghahagis ng molotov bombs, at pag ransack sa isang motel sa Recto Avenue.

Tingin ni Aberin, plano ng ‘instigator’ ng karahasan na gayahin ang nangyari sa marahas na protesta sa ibang bansa.

Sa kabuuan, sinasabing nasa 200 katao ang dinampot dahil sa paghahasik ng kaguluhan at mahigit 89 rito ay mga menor de edad, na pawang kakasuhan ng illegal assembly, resistance and disobedience to persons in authority, direct assault, malicious mischief, serious physical injuries, at arson habang ang mga menor de edad ay ilalagay muna sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.

“So far, none of them are saying the reasons behind their actions or if somebody paid them to do it,” ayon kay NCRPO Spokesperson Major Hazel Asilo.

“As soon as we know their affiliations, we can know if they were part of the protesters or if they were just causing trouble,” ani Asilo.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may malaking organisasyon o tao ang nag-financed o namuno sa grupo at kung nasa impluwensiya ba sila ng illegal drugs.

Itinanggi ng DILG at maging ng PNP na may nagpaputok ng baril sa kanilang hanay.

Ayon sa ulat, may isang protesters na sangkot sa Mendiola riot, ang namatay sa saksak habang may isa naman ang nilalapatan ng lunas sa ospital dahil sa tama ng bala. (JESSE RUIZ)

 

88

Related posts

Leave a Comment