MANILA — Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 97 na layong tiyakin at palakasin ang karapatan ng mga manggagawa na malayang bumuo ng unyon, sumali sa asosasyon, at makilahok sa mga lehitimong aktibidad nang walang pangamba ng harassment.
Tinintahan nitong Lunes, in-adopt ng EO ang Omnibus Guidelines on the Exercise of Freedom of Association and Civil Liberties at inatasan ang mga ahensya ng gobyerno na protektahan ang karapatan ng mga manggagawa, alinsunod sa Saligang Batas at international labor standards.
Tugon ito sa rekomendasyon ng High-Level Tripartite Mission (HLTM) ng International Labour Organization (ILO), na nagbabala hinggil sa mga kaso ng karahasan, red-tagging, at pagsupil sa karapatan ng mga unyon. Kabilang sa rekomendasyon ng HLTM ang:
Pag-iwas sa karahasan laban sa lehitimong union activities
Pagsisiyasat at pananagutin ang mga nasa likod ng pag-atake sa union members
Pagpapatakbo ng monitoring bodies
Pagtiyak na lahat ng manggagawa, anuman ang estado, ay malayang makakabuo at makakasali sa organisasyong nais nila
Matatandaang noong 2023 ay lumikha si Marcos Jr. ng Inter-Agency Committee for the Protection of the Freedom of Association and Right to Organize of Workers para tutukan ang mga isyung ito.
Sa ilalim ng EO 97, inatasan ang mga pangunahing ahensiya gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Justice, Department of National Defense, Department of Trade and Industry, AFP, PNP, at National Security Council na iayon ang kanilang polisiya at operasyon sa bagong guidelines.
Ang DOLE, sa pamamagitan ng National Tripartite Industrial Peace Council, ang mangunguna sa monitoring ng implementasyon, habang ang Inter-Agency Committee ay regular na mag-uulat sa Office of the President.
Inaatasan din ang lahat ng government agencies na isama ang guidelines sa kanilang pagsasanay, operasyon, at mga information campaign para masiguro ang iisang pagpapatupad. Samantala, hinihikayat ang LGUs at pribadong sektor na magbigay ng buong kooperasyon.
(CHRISTIAN DALE)
163 