CAVITE – Trahedya ang sinapit ng isang 4-anyos na batang babae matapos umanong bugbugin hanggang mamatay ng sariling ina sa Brgy. Salawag, Dasmariñas City nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Crystal, habang hawak na ng pulisya ang ina nitong si Beverly, 23, na sasampahan ng kasong parricide.
Ayon sa mga kapitbahay, nakita nilang pinaghahampas ng ina ang kanyang anak gamit ang matigas na kahoy. Makalipas ang ilang minuto, humingi ng tulong ang suspek para isugod sa ospital ang bata dahil hindi ito na gumagalaw at humihinga.
Ngunit idineklarang dead on arrival ang bata. Agad namang dinampot ng mga awtoridad ang suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
