2 MINI-MART SA CAVITE NILIMAS SA LOOB NG 40-MINUTO

SA loob lang ng 40-minuto, dalawang sangay ng Alfamart sa Bacoor City, Cavite ang magkasunod na hinoldap ng riding-in-tandem kamakalawa ng madaling-araw.

Unang sinalakay ng isa sa mga suspek ang Alfamart sa Molino 5 pasado alas-3:00 ng madaling-araw.

Nagpanggap pa itong customer bago biglang naglabas ng baril at tinutukan ang store crew na si alyas Hendrix. Tinangay ng holdaper ang nasa P3,000 hanggang P4,000 cash.

Pero hindi pa nakuntento, muling umatake ang mga salarin bandang alas-3:40 ng madaling-araw, sa Alfamart Area S, Queens Row East. Parehong modus – pumasok, nagkunwaring bibili, tinutukan ang crew, at nilimas ang P4,000 cash saka sumibat sakay ng parehong motorsiklo.

Ayon sa pulisya, nagsasagawa na sila ng backtracking sa CCTV at iba pang ebidensiya para makilala at maaresto ang mga suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

176

Related posts

Leave a Comment