3RD NOMINEE NG AKO BICOL IPOPROKLAMA KAPALIT NI ZALDY CO

MAAARING maupo na ang ikatlong nominado ng Ako Bicol Party-list bilang kapalit ni Representative Zaldy Co na nagbitiw sa puwesto.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman Erwin George Garcia, nakakuha ng dalawang puwesto ang Ako Bicol noong nakaraang halalan kaya’t ang ikatlong nominado sa kanilang listahan ang awtomatikong aangat bilang kinatawan. Batay sa tala ng Comelec, si Jan Franz Norbert Joselito Almario Chan ang ipoproklama ng National Board of Canvassers kapalit ni Co.

Nilinaw ni Garcia na hinihintay lamang nila ang pormal na abiso mula sa House of Representatives bago maisagawa ang proklamasyon. Aniya, hindi na rin kailangan pang magtalaga ng officer-in-charge sa Ako Bicol Party-list dahil dapat agad na maupo ang papalit na nominado.

Samantala, tiniyak ng Comelec na nagpapatuloy ang ilang aktibidad para sa Bangsamoro Parliamentary Elections habang nakabinbin ang desisyon ng Supreme Court kaugnay ng Temporary Restraining Order (TRO). Sinabi ni Garcia na pansamantala lamang natigil ang ilang paghahanda tulad ng training ng guro, staff, at PNP personnel, pero tuloy pa rin ang mga kandidato sa kanilang kampanya. Umaasa ang poll body na agad makapaglalabas ng desisyon ang Korte Suprema lalo’t maraming residente ng BARMM ang naghihintay sa eleksyon.

(JOCELYN DOMENDEN)

255

Related posts

Leave a Comment