HAWAK na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang akusado sa pagpatay kay dating pulis at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayuga nitong Lunes.
Sa bisa ng warrant of arrest, ikinasa ng NBI-Organized and Transnational Crime Division (OTCD) ang pagdakip matapos kusang loob na sumuko ang mga akusado. Ang arrest order ay kaugnay ng imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), NBI, at Philippine National Police (PNP) sa pamamaril at pagpatay kay Barayuga at kanyang driver noong Hulyo 30, 2020 sa Mandaluyong City.
Namatay si Barayuga sa pinangyarihan, habang sugatan ang kanyang drayber na isinugod sa ospital.
Sa pagdinig ng quad committee ng Kamara noong Setyembre 27, 2024, inamin nina PLt. Col. Santie F. Mendoza at dating pulis Nelson E. Mariano ang kanilang pagkakasangkot sa insidente at idinawit pa sina dating PCSO General Manager Royina Garma at Napolcom Chairman Edilberto Leonardo bilang utak sa krimen. Kasunod nito, inirekomenda ng NBI at PNP-CIDG na kasuhan sila ng murder at frustrated murder, dahilan para maglabas ng arrest warrant ang Regional Trial Court Branch 279 ng Mandaluyong.
Boluntaryong sumuko si Mariano sa NBI-OTCD noong Setyembre 29 sa Maynila, habang sumuko naman si Mendoza sa Bacolod City noong Setyembre 30. Pinuri ni NBI Director Jaime B. Santiago ang kanyang mga tauhan at nagpasalamat sa PNP-CIDG sa matagumpay na operasyon.
(CHAI JULIAN)
195 