LACSON NAGPALIWANAG SA LARAWAN KASAMA ANG MGA DISCAYA

NAGLABAS na ng paliwanag si Senate President pro-tempore Ping Lacson kaugnay sa kumakalat na larawan niya na kasama ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.

Sinabi ni Lacson na kuha ang larawan noong huling linggo ng Abril na pagtatapos ng 90-day campaign period para sa 2025 midterm elections.

Isinalaysay ng senador na bago ito ay binisita siya sa kanyang opisina sa Taguig ng campaign supporter mula sa Davao City na si Fred Villaroman at kasama nito ang anak ni Discaya.

Iniimbitahan anya siya nina Villaroman na dumalo sa grand rally sa isa sa mga lalawigan ng Davao dahil ang nakababatang Discaya ay kumakandidato bilang partylist representative ng Ako Pinoy o Ako’y Pinoy.

Dumating din ang magulang ng batang Discaya at tumagal ng 15 hanggang 20 minuto ang kanilang pag-uusap.

Nilinaw din ni Lacson na tinanggihan niya ang alok ng mga ito na sumama sa campaign rally bilang respeto na rin sa kanyang kaibigan na si Senate President Tito Sotto III na ang pamangking si Mayor Vico Sotto ay kalaban naman sa mayoralty race ang mga Discaya.

Binigyang-diin pa ng senador na hindi niya kilala ang mga Discaya at iyon lamang ang una at tanging pagkakataon na nakasama niya ang mga ito bago pa man pumutok ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.

(DANG SAMSON-GARCIA)

299

Related posts

Leave a Comment