SEN. RAFFY TULFO PINITIK NI ‘CONGMEOW’ SA P6-M GASTOS NG ANAK SA LAS VEGAS

HINDI nakaligtas si Senador Raffy Tulfo sa banat ni Cavite 4th District Rep. Francis “Kiko” Barzaga matapos magpanukala ang senador ng lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno, kasunod ng lumabas na isyu kaugnay ng magarbong paggastos ng anak nito sa Las Vegas.

“Gusto mo ng lifestyle check sa mga politiko pero hindi mo kayang unahin ang anak mo sa Kongreso?” tanong ni Barzaga, na tumukoy kay Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo. Giit pa ng kongresista, kung totoong seryoso si Tulfo sa paglilinis sa pamahalaan, dapat magsimula ito sa sariling pamilya.

Matatandaang nanawagan si Sen. Tulfo noong Setyembre 30 na “kailangang gumawa ng lifestyle check sa mga politiko” dahil marami umano ang nasasangkot sa anomalya sa flood control projects. Ngunit ilang araw bago ito, ibinunyag ng political vlogger na si Maharlika ang umano’y paggastos ni Rep. Tulfo ng P6.6 milyon sa dalawang gabi lamang sa Las Vegas noong Disyembre 2024. Kalakip pa ang mga video at resibo ng mga binayaran sa party, kabilang ang alak na umabot ng higit US$114,000.

Nilinaw naman ni Rep. Tulfo na hindi totoo ang petsa at nangyari ang naturang party noong 2023, hindi 2024. Giit niya, wala ring pondo ng gobyerno ang ginamit at personal na credit card ang ipinambayad, habang may mga kaibigan at kasamang nag-ambagan.

“Sa panahong mahigpit ang pagbabantay ng publiko sa paggamit ng kanilang buwis, nais ko lamang pong linawin na ito ay isang personal trip, at wala kaming ginamit na pondo ng gobyerno at pera ng taumbayan,” depensa ng batang Tulfo.

(BERNARD TAGUINOD)

207

Related posts

Leave a Comment