IPINAHAYAG ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang buong suporta sa liderato ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kasabay ng papuri sa matatag na paninindigan ng Philippine National Police (PNP) sa gitna ng mga espekulasyong layong paghiwa-hiwalayin ang hanay at kwestyunin ang kanilang katapatan.
Ayon kay Goitia, pinatunayan ni Nartatez na buo, disiplinado, at tapat ang kapulisan nang tanggihan nito ang panawagang “loyalty check.”
“Ang tunay na katapatan ay hindi sinasabi sa salita kundi ipinapakita sa gawa,” ani Goitia. “Ipinakita ni General Nartatez at ng buong PNP na ang kanilang paninilbihan ay para sa bayan, hindi para sa pulitika o personalidad.”
Pinuri rin ni Goitia ang PNP sa pananatiling propesyonal at hindi nagpapadala sa ingay ng pulitika, habang patuloy na nagbibigay-suporta kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
“Habang ang iba ay nagpapakalat ng intriga, ang kapulisan ay tahimik na nagsisilbi. Iyan ang tunay na propesyonalismo,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Goitia ang mahinahon ngunit matatag na pamumuno ni Nartatez na, aniya, nagpapanatili ng mataas na morale sa hanay ng mga pulis.
“Hindi nasayang ang oras ni General Nartatez sa mga walang saysay na isyu. Sa halip, pinagtibay niya ang disiplina at ipinakita na tungkulin ng pulis ay magprotekta, hindi makialam sa politika,” sabi niya.
Dagdag pa ni Goitia, makatuwiran ang tiwalang ibinibigay ng Pangulo sa kasalukuyang liderato ng PNP. “Alam ng Pangulo na maaasahan niya ang PNP sa pagtataguyod ng kaayusan at integridad. Ang tiwalang ito sa pagitan ng Commander-in-Chief at ng kapulisan ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang reporma,” paliwanag niya.
Ikinonekta rin ni Goitia ang pagkakaisa ng PNP sa kampanya ng administrasyon laban sa korapsyon. “Hindi mo matatalo ang korapsyon kung watak-watak ang puwersa. Ang lakas ng PNP ay nasa pagkakaisa at kredibilidad nito,” aniya.
Nanawagan din siya sa publiko na suportahan ang kapulisan sa halip na pagdudahan ito. “Araw-araw ay isinusugal ng ating mga pulis ang kanilang buhay para sa ating kaligtasan. Sa pamumuno ni General Nartatez, mananatiling marangal, malinis, at tapat sa serbisyo ang PNP,” ani Goitia.
Sa pagtatapos, nanawagan si Goitia ng pagkakaisa. “Panahon na para magkaisa, hindi maghinala. Dapat magtulungan ang PNP, Sandatahang Lakas, at sambayanang Pilipino sa likod ni Pangulong Marcos. Ang katapatan sa Republika ay katapatan sa kapayapaan, katarungan, at mabuting pamamahala,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
(JULIET PACOT)
