NANAWAGAN kamakailan ang mga non-teaching personnel ng Department of Education (DepEd) sa ahensya at sa Department of Budget and Management (DBM) na agarang ibigay ang kanilang 2025 Collective Negotiation Agreement (CNA) incentives at Performance-Based Bonus (PBB).
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, presidente ng DepEd National Employees Union (NEU), dapat nang pagtuunan ng pansin ng DepEd at DBM ang naturang usapin dahil malapit nang matapos ang taon ngunit ang ilalabas pa lamang na PBB ay para sa taong 2023.
Paliwanag ni Alidon, bukod sa PBB, makatatanggap din ang mga miyembro at hindi miyembro ng DepEd-NEU ng CNA incentives alinsunod sa Executive Order No. 180 na nagbibigay ng insentibo sa mga non-academic personnel.
“Batay sa EO 180, hindi lamang mga miyembro ng unyon ang pagkakalooban ng insentibo kundi pati lahat ng non-teaching personnel. Malaki ang ating savings kaya walang dahilan para hindi ito maibigay,” ani Alidon sa isang panayam.
Dagdag pa niya, dapat gawin ng DepEd ang ginawa noong nakaraang taon kung saan kaagad na ipinamahagi ang ₱10,000 sa lahat ng non-teaching personnel matapos mailabas ang kautusan.
“Naniniwala kami na magagawa rin ito ng kalihim tulad noong nakaraang taon, kung saan ipinagpasalamat naming tinanggap agad ang ₱10,000 na CNA incentive para sa taong 2024,” pahayag ni Alidon.
Ayon pa sa opisyal, posibleng umabot sa ₱30,000 ang insentibo depende sa laki ng matitipid ng ahensya. Tinatayang nasa 85,000 non-teaching personnel ang makikinabang sa CNA incentives at sa 2023 PBB, na halos dalawang taon at walong buwan nang naantala kahit may pondo na umano mula sa DBM.
“Hindi patas para sa amin ang pagkaantala na ito. Umaasa kami na sa susunod, dapat ding isipin ng DBM ang kalagayan ng mga guro at non-teaching personnel at ibigay ang bonus nang mas maaga,” ani Alidon.
“Kung ang pondo nga para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay naibibigay ng DBM nang advance, dapat ganito rin ang gawin nila sa mga bonus at insentibo ng mga nasa sektor ng edukasyon,” dagdag pa niya.
(NEP CASTILLO)
406
