IPINAGMALAKI ni Quezon City Police District (QCPD) Acting District Director, PCOL Randy Glenn G. Silvio, ang matagumpay na anti-criminality operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek na sangkot sa insidente ng robbery at carnapping sa Brgy. Old Balara, Quezon City, at pagkakabawi ng ninakaw na motorsiklo at baril.
Ayon kay PLTCOL Romil C. Avenido, Station Commander ng Batasan Police Station 6, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Vincent,” 29-anyos, residente ng Brgy. San Vicente, at alyas “Senen,” 17-anyos, residente ng Brgy. Krus na Ligas — kapwa taga-Quezon City.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-7:10 ng gabi noong Oktubre 15, 2025, naghihintay ang biktima, isang service crew worker, sa harap ng Diliman Doctors Hospital habang sakay ng kanyang itim na Honda Click 125. Bigla umano siyang nilapitan ng mga suspek, tinutukan ng baril, at sapilitang tinangay ang kanyang motorsiklo bago tumakas patungo sa northbound lane ng Commonwealth Avenue.
Agad na nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad kaya’t nagsagawa ng hot pursuit at follow-up operation ang mga tauhan ng PS 6. Sa mabilis na aksyon ng pulisya, naaresto ang dalawang suspek at narekober ang ninakaw na motorsiklo, pati na ang isang Caliber .38 revolver na may tatlong live ammunition.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 10883 o Anti-Carnapping Law at R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Pinupuri ko ang mga operatiba ng PS 6 sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon na nagresulta sa pag-aresto ng mga suspek at pagbawi ng ninakaw na motorsiklo. Ipinapakita nito ang aming patuloy na dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Quezon City habang pinaiigting pa ang police visibility, preventive patrols, at anti-crime operations para sa kaligtasan ng bawat QCitizen,” pahayag ni PCOL Silvio.
(PAOLO SANTOS)
103 