MAHIGIT 1,600 PULIS-QC IDE-DEPLOY SA UNDAS 2025

MARIING tiniyak ng Quezon City Police District na mahigit 1,600 pulis ang kanilang ide-deploy para tiyakin ang seguridad ng publiko ngayong nalalapit na Undas.

Sinabi ni PCol. Vicente Bumalay, chief ng District Operation ng QCPD, nakataas ngayon sa mataas na alerto ang mga pulis-QC at nakalatag na ang security plan ng QC Police para sa nalalapit na paggunita ng Undas.

Sa ginanap na QC Journalist Forum nitong Oktubre 21, 2025 (Martes), tiniyak ni Col. Bumalay na aabot sa 1,646 tauhan ng pulisya ang kanilang ide-deploy sa matataong mga lugar tulad ng mga bus terminal, sementeryo, memorial park at kolumbaryo.

“Nakataas ngayon sa mataas na alerto ang mga ating mga pulis at aabot sa 1,646 QC pulis ang ating ide-deploy upang matiyak ang kaligtasan ng publiko,” ayon kay Col. Bumalay.

Ayon pa kay Col. Bumalay, bukod sa mga sementeryo at bus terminal iikot din ang mga pulis sa mga subdivision at mga bahay-publiko upang tiyakin na hindi magsasamantala ang ibang mga elemento habang abala ang mga residente sa pagdalaw sa kanilang mga mahal sa buhay sa mga sementeryo.

Nabatid pa sa opisyal ng QCPD, kabilang sa mga babantayan ng mga pulis ang mga bus station at iba pang lugar na dadagsain ng mga tao.

Kaugnay nito, sinabi ni PITX Spokesperson Jason Salvador ng Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX), inaasahan ng PITX na aabot sa 2.1 milyong pasahero ang kanilang seserbisyuhan sa darating na Undas.

Bunsod nito, siniguro ni Salvador na sumasailalim sa mandatory drug testing ang mga bus driver na bumibiyahe mula sa PITX upang matiyak na ligtas ang mga pasahero sa kanilang pagbiyahe.

(PAOLO SANTOS)

184

Related posts

Leave a Comment