QUEZON – Patay ang isang binata habang sugatan naman ang kanyang kaibigan matapos silang pagsasaksakin ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo sa Barangay Pagdadamayan, sa bayan ng San Narciso sa lalawigan noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ng mga awtoridad ang nasawing biktima na si “Gerald”, 22-taong gulang, isang magsasaka, at residente ng Barangay San Juan, San Narciso.
Sugatan naman ang kasama nitong si “Christian”, 22-taong gulang, helper at residente ng Barangay Lacdayan.
Batay sa imbestigasyon ng San Narciso Police, naglalakad umano ang dalawang biktima sa nasabing barangay pasado alas-nuwebe ng gabi nang biglang huminto at harangan sila ng isang nakamotorsiklo.
Bumaba ang lalaking sakay nito at walang sabi-sabing inundayan sa leeg si Gerald gamit ang balisong gayundin ang kasama nitong si Christian,
bago mabilis na tumakas sa hindi malamang direksyon.
Agad namang naisugod ang mga biktima sa Quezon Provincial Hospital Network – San Narciso, ngunit hindi umabot nang buhay si Gerald.
Nilalapatan naman ng lunas sa nasabing ospital si Christian.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo sa krimen.
(NILOU DEL CARMEN)
21
