INAASAHANG lalo pang tataas ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa habang dagsa na ang mga mamimili na patungo sa Manila North Cemetery para sa paggunita ng Araw ng mga Patay ngayong Nobyembre 1, 2025.
Nabatid na Miyerkoles pa lamang ay nagsimula nang magtaasan ang presyo ng ilang uri ng bulaklak sa Dangwa, Maynila.
Ayon sa mga tindera, tumaas na rin ang presyo ng kanilang kuha sa suppliers, kaya napilitan silang itaas din ang bentahan.
Umabot na sa ₱50 hanggang ₱200 ang itinaas ng presyo depende sa laki at ayos ng mga bulaklak.
Carnation – ₱230 kada 10 stems
Malaysian mums – ₱450 hanggang ₱600 kada 12 piraso
Peruvian lily – ₱80 kada 12 stems
May puwang pa rin daw sa tawaran, lalo na kung maramihan ang bibilhin, at maaari ring magpa-arrange ng mga bulaklak sa mga tindahan.
Nasa ₱100 ang mga bulaklak na nasa styro pot, habang ang mga naka-basket arrangements ay umaabot mula ₱300 hanggang ₱1,000 depende sa disenyo.
Ayon pa sa mga nagtitinda, mas tumatagal ang buhay ng bulaklak kung ito ay nakatusok sa foam na may tubig, kaya ito ang mas inirerekomenda para sa mga bibili pa lang.
Inaasahan na mananatiling mataas ang presyo hanggang Nobyembre 2, kasabay ng patuloy na dagsa ng mga bumibisita sa sementeryo.
Samantala, mabigat ang daloy ng trapiko sa Dangwa, dahil abala ang mga mamimili, kargador, at tauhan ng mga tindahan sa pag-asikaso ng dagsang order ngayong Undas.
(JULIET PACOT)
164
