HINDI naniniwala ang Makabayan bloc sa Kamara na mawawala ang pangungurakot sa kaban ng bayan kahit pa bawasan ng 50% ang presyo ng mga proyekto ng gobyerno, hangga’t umiiral ang sistemang pork barrel.
Ginawa ng grupo ang pahayag matapos atasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na ipatupad ang pricing system ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magbabawas ng hanggang kalahati sa presyo ng mga proyektong ipinatutupad.
Kabilang sa mga ahensyang inatasan ng Pangulo na sumunod sa DPWH pricing scheme ay ang Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Health (DOH), Department of Transportation (DOTr) at National Irrigation Administration (NIA).
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, ilusyon lang na mawawala ang katiwalian kung presyo lang ang babawasan.
“The President claims that ‘the only thing weakened will be corruption,’ but this is wishful thinking without systemic reform,” ani Tinio.
Dagdag naman ni Kabataan party-list Rep. Renee Co, maganda lang pakinggan sa publiko ang kautusan ng Pangulo pero walang saysay kung parehong mga tiwali pa rin ang mamamahala sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Para naman kay Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, isa lamang itong PR move ng Palasyo upang mapahupa ang galit ng mamamayan sa mga anomalya sa flood control projects na umano’y overpriced, substandard, at may mga ghost projects pa.
(BERNARD TAGUINOD)
146
