NAGPAHAYAG ng matinding pagkabahala si Senador Sherwin Gatchalian matapos ilabas ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang ulat na dumoble ang bilang ng mga Pilipinong illiterate o hindi marunong bumasa at sumulat sa nakalipas na tatlong dekada.
Batay sa 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey, tumaas sa 24.8 milyon ang bilang ng mga Pilipinong illiterate — kumpara sa 14.5 milyon noong 1993.
“Hindi natin mareresolba ang krisis sa edukasyon kung milyon-milyon pa rin ang hindi marunong bumasa at sumulat. Dumoble na nga ito sa loob ng 30 taon — malinaw na may mali sa ating sistema,” mariing pahayag ni Gatchalian.
Matagal nang isinusulong ng senador ang National Literacy Council Act, na naglalayong gawing mga de facto local literacy councils ang mga local school boards sa mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad upang mas mapaigting ang mga programa laban sa illiteracy.
“Kailangang kumilos na ang mga lokal na pamahalaan. Isa ito sa mga estratehiyang matagal ko nang isinusulong upang mas mapabilis at mapalawak ang solusyon sa lumalalang problema sa pagbasa at pagsulat,” dagdag pa ni Gatchalian.
Nito lamang Mayo, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na kailangang baguhin ang paraan ng pagtuturo — mula sa memorization patungo sa critical thinking.
Tugon ito sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na halos 19 milyong junior at senior high school graduates ang nahihirapang unawain kahit simpleng kuwento lamang.
Sa kabila ng nakababahalang datos, binigyang-komendasyon ng EDCOM 2 ang lokal na pamahalaan ng Norzagaray, Bulacan dahil sa matagumpay nitong kampanya laban sa illiteracy.
Ayon kay Norzagaray Public School District Supervisor Nora Manalo, mahalagang gawing masaya at interaktibo ang proseso ng pagkatuto.
“‘Di naman po pwedeng basa-basa agad ang bata. Dinadaan namin sa paglalaro — pero may competency pa rin na kasama sa learning through play,” paliwanag niya.
(NEP CASTILLO)
59
