PATAY na nang matagpuan ang isang babae na nakagapos sa loob ng silid ng isang hotel sa Sta. Mesa, Maynila nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 23, 2025.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), ang biktima ay tinatayang 30 hanggang 35 anyos, may payat na pangangatawan, humigit-kumulang 5 talampakan ang taas, at nakasuot ng itim na t-shirt at black short pants nang matagpuan. Nakagapos ang kanyang mga kamay at wala nang buhay nang madiskubre.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-7:00 ng umaga nang matagpuan ng hotel staff ang bangkay ng babae sa Room 2A ng Ligaya Lodge, Sta. Mesa Street, Barangay 587, Sta. Mesa, Maynila.
Base sa pahayag ng supervisor at room boy ng hotel, nag-check in ang biktima kasama ang isang hindi pa kilalang babae at lalaki noong Miyerkules ng gabi. Kinabukasan, dakong alas-6:30 ng umaga, umalis umano ang dalawang kasama ng biktima — at hindi na ito muling nakita nang buhay.
Lumabas sa kuha ng CCTV ng barangay ang isang babaeng hinihinalang suspek, naka-facemask, nakasalamin, at may dalang helmet, habang naglalakad patungo sa kanto ng Reposo at Peralta Street bago sumakay ng pampasaherong jeep patungong Mandaluyong.
Samantala, hindi nakunan ng CCTV ang kasamang lalaki dahil magkahiwalay umano silang lumabas at sa ibang kalsada dumaan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng babae at lalaki, gayundin ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.
(PAOLO SANTOS)
92
