Para sa Trillion Peso March sa Nob. 30 SOCIAL MEDIA BINABANTAYAN NG PNP

TODO ang ginagawang online intelligence monitoring ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng paghahanda sa seguridad para sa November 30 “Trillion Peso March” sa Luneta, isang malawakang kilos-protesta laban sa multi-billion flood control scandal.

Ayon sa PNP National Capital Region Police Office (NCRPO), kanila nang pinaigting ang social media surveillance dahil dito raw aktibong hinihikayat ang mga kabataan na lumahok sa naturang kilos-protesta.

Mismong Malacañang ang nagpaalala sa mga awtoridad na bantayan ang mga agitator upang maiwasan ang karahasang tulad ng naganap noong September 21 rally sa Maynila.

Tiniyak naman ni Police Major Hazel Asilo, hepe ng NCRPO Public Information Office, na handa na ang buong pwersa ng pulisya para sa isasagawang pagtitipon sa Nobyembre 30.

“Ang aming layunin ay matiyak na magiging mapayapa ang kilos-protesta at hindi na maulit ang gulo noong Setyembre 21,” ani Asilo.

Matatandaang umabot sa 216 katao, kabilang ang 89 menor de edad, ang naaresto noong nakaraang rally matapos mauwi sa kaguluhan ang protesta kaugnay ng flood control project anomaly.

Ang Trillion Peso March ay inorganisa ng iba’t ibang sektor na nananawagan ng pananagutan, pagbawi ng ninakaw na pondo, at higit na transparency sa pamahalaan.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment