LACSON, DIZON ‘DI KUMBINSIDO SA AKUSASYON NI CO

TINAWAG na imposible nina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang akusasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na inutusan siya ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magpasok sa bicameral conference committee ng P100 bilyong halaga ng proyekto sa 2025 national budget.

Ayon kay Lacson, na siyang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, walang probative value ang video statement ni Co dahil hindi niya ito sinumpaan.

Isa pa, sinabi ni Lacson na bakit pa sa bicameral conference committee magpapasingit ng proyekto si Pangulong Marcos gayong kaya niya itong gawin sa National Expenditure Program o NEP.
Iginiit din ni Lacson na mismong si Marcos ang nag-veto ng P26 bilyong halaga ng proyekto sa ilalim ng DPWH.

“Ba’t sa bicam pa siya magpapa-insert? Hindi naman siya part ng bicam. Assuming na totoong nagpa-insert sa bicam, ba’t niya i-veto?” ani Lacson.

Para naman kay Dizon, imposibleng sangkot ang Pangulo sa nasabing katiwalian dahil siya mismo ang nag-utos na imbestigahan ito.

“Kasi kung involved ka, bakit ikaw mismo ang magpapasabog? Bakit mo gagawin ang lahat ng ito? Bakit mo bubuuin ang isang independent commission?” wika ni Dizon.

“Bakit mo sasabihin lahat ng dapat managot ay dapat managot? Bakit mo sasabihin bago mag-Pasko ay sigurado nang may makukulong?” dugtong pa niya.

Aniya, walang kredibilidad si Co dahil umalis ito ng bansa kasabay ng pagputok ng kontrobersiya ukol sa flood control projects.

“Nung nagsimula pa lang itong kontrobersiya, eskandalo sa flood control, ang ginawa ni Congressman Zaldy Co ay umalis ng Pilipinas. So sinong paniniwalaan natin?” dagdag pa niya.

49

Related posts

Leave a Comment