UMAKYAT sa 269 nitong Lunes ang bilang ng mga nasawi bunsod ng pananalasa ng Typhoon Tino sa Central Philippines, ayon sa Office of the Civil Defense (OCD).
Ayon sa OCD, nangunguna pa rin ang lalawigan ng Cebu na may pinakamalaking bilang ng mga nasawi na umaabot sa 150.
Habang 77 katao naman ang iniulat na namatay sa Negros Occidental, 23 sa Negros Oriental, anim sa Agusan del Sur, tatlo sa Capiz, tig-dalawa naman sa Leyte, Southern Leyte at Dinagat Island, at tig-isa sa Antique, Iloilo, Guimaras, at Bohol.
Pinangangambahang madagdagan pa ito dahil may 113 katao pa ang iniulat na nawawala, may 57 missing sa Cebu, 50 sa Negros Occidental, at anim naman sa Negros Oriental.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa P484.8 milyon na ang tinatayang pinsala sa agrikultura bunsod ng naging epekto ng Typhoon Tino.
Habang mahigit sa P500 milyon naman ang naging danyos sa imprastraktura.
Samantala, 265,153 kabahayan ang nasira ng bagyo at mahigit limang milyong indibidwal o 1.5 milyong pamilya ang naapektuhan ng masamang panahon, ayon pa sa NDRRMC.
Nanatili naman 27 ang naitalang patay sa paghagupit ng Super Typhoon Uwan sa bansa partikular sa central at northern Luzon.
(JESSE RUIZ)
83
